ILANG araw matapos luminis mula sa mga itinutumbang suspek at adik ang mga kalye at kalsada sa iba’t ibang lugar sa buong bansa, nang ipag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na lubayan muna ang Philippine National Police (PNP) ang mga operasyong TOKHANG, unti-unting bumabalik sa dating kalagayan ang buong bansa – may mga dinudukot at napapatay ulit, ngunit hindi umano kagagawan ng mga pulis kundi ng mga sinasabing “riding-in-tandem”.

Para sa akin, mas nakakatakot ang ganitong kalagayan – mas tahimik na mga pagpatay, walang balitang naibabandila ang mga taga-media ng mga dinudukot at itinutumba, wala nang tinatakpan ng mga diyaryo sa madidilim na bahagi ng kalsada at bangketa – ngunit may mga pagtangis pa ring maririnig mula sa makikipot na bahay sa mga lugar ng mahihirap dahil sa ‘di na nila makita ang mga mahal sa buhay na umano’y tinangay ng mga lalaking nakasuot ng bonnet at nakatakip ang mukha. Ang mga ito raw kasi ay mga pasaway at matitigas ang ulo na adik at tulak ng ilegal na droga na ayaw tumigil sa masamang bisyo.

Kung totoo ang aking hinala, na huwag naman sanang mangyari, magiging mabili ang mga lumang drum, sako, malalaking bloke ng adobe at hollow block at packing tape – mga kagamitang noon pa’y alam ko nang ginagamit ng mga operatibang pulis at ilang grupo na rin ng mga “vigilante” upang WALAIN ang mga sinasabi nilang TUMBAHIN ng masasamang elemento.

Ang masasabi ko lang sa ating mga kababayan na tutol sa ganitong pamamaraan upang lipunin ang sinasabing kriminalidad sa ating lipunan – maging mapagmatiyag sa inyong kapaligiran, laging ihanda ang inyong mga gadget para makuhanan ng video at mga litrato upang maidokumento ang anumang kahina-hinalang mga pagkilos at palihim na galaw ng mga awtoridad sa inyong lugar.

Night Owl

Kailangan mong bumoto

Maging alisto sa pagmamatiyag sa mga lugar— partikular na sa mga ilog, estero, malalaking hukay, gitna at gilid ng mga tulay, bakanteng lote sa mga subdibisyon, at madidilim na lugar. Huwag manghinayang na kumuha nang kumuha ng video at litrato na huwag buburahin... sa loob ng isa hanggang dalawang linggo dahil maaari itong magamit sa ikalulutas ng anumang krimen.

Magastos kasi ang cremation, gaya ng ginawa sa negosyanteng Koreano na si Jee Ick-Joo kaya biglang sumabog ang isyu hinggil sa “TOKHANG FOR RANSOM” na naging dahilan upang ipatigil ni PRRD ang mga operasyon ng PNP sa kanilang giyera laban sa droga. Matrabaho rin kung manu-mano ang gagawin nilang pagsunog, kaya pinakamadali at epektibo ang pagtapon sa mga bangkay sa mga lugar na aking nabanggit at siguradong ito ang kanilang gagawin.

Mag-text at tumawag sa Globe: 0936-9953459 o mag-email sa: [email protected] (Dave M. Veridiano, E.E.)