HINIMOK ni Philippine Sports Commission (PSC) Chairman William ‘Butch’ Ramirez ang mga atleta at coach na magpakatatag at gawin ang makakaya para mapanatili ang dangal ng bansa sa international competition.
Sinabi ni Ramirez sa mahigit 1,000 national athletes at coaches, ang ilang opisyal ng national sports association (NSA) na dumalo sa ‘Athletes and Coaches Assembly’ nitong Sabado sa Philsports Arena sa Pasig City na gawin ang kanilang makakaya at asahan ang suporta ng pamahalaan para sa minimithi nilang tagumpay.
“It has to start somewhere, and we start as early as now. The Olympics is not a stand-alone competition. The SEA Games is our first stop in this journey,” pahayag ni Ramirez.
Nakatakdang sumabak ang Team Philippines sa 38 sports sa 29th SEA Games na nakatakda sa Agosto sa Kuala Lumpur, Malaysia.
Iginiit ni Ramirez na hindi kailangang ang malaking delegasyon kundi mga atleta na tunay na may kakayahan na manalo para makabangon ang bansa sa lusak ng kabiguan sa nakalipas na limang SEAG edisyon.
Mula nang magwagi ng overall title sa Manila noong 2005, hindi na nakaalis ang Pilipinas sa ikaanim na puwesto sa biennial meet – itinuturing pinakamahinang multi-event meet na nilalahukan ng Pinoy.
“This is actually a pep-rally and kick-starts our Southeast Asian Games, Asian Games and Olympics crusade,” pahayag ni Ramirez. (Edwin G. Rollon)