NAWALAN na raw ng tiwala si Pangulong Digong sa Philippine National Police (PNP) at National Bureau of Investigation (NBI). Kasi, ang ilang miyembro ng mga ito ay sangkot sa pagdukot at pagpatay sa Korean businessman na si Jee Ick-Joo. Ginawa pa mismo ng mga ito ang pagpatay sa Camp Crame sa tabi ng official residence ni PNP Chief Ronald dela Rosa. Eh, ang dalawang ahensiyang ito ang ginamit ng Pangulo sa kanyang kampanya laban sa krimen at ilegal na droga.

Mga corrupt daw ang mga pulis at ahente ng NBI, kaya inilipat na aniya sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang kanilang trabaho.

Ang napakalaking problema, bago ang pagpatay sa Koreano at pag-alis ng Pangulo sa PNP at NBI ang tungkuling pagsugpo sa krimen at droga, napakarami na ang napatay lalo na ng mga pulis. Istilong pagdukot at pagpatay sa Koreano ang nangyari sa mga ilang napatay. May mga pinatay ang mga pulis sa loob ng kanilang bahay dahil nanlaban daw ang mga ito habang inaaresto. Hangga’t walang imbestigasyong nagaganap sa mga pagpatay, hindi mababatid kung ang mga napatay ay may kasalanan o wala. Magkaroon man ng imbestigasyon at nalaman na inosente ang napatay at pinapanagot ang mga pumatay, huli na dsahil patay na rin ang biktima. Kung maparusahan man ang mga nagkasala, tagumpay na lang ito ng katarungan.

Pero hindi sana mangyayari ito kung sa pakikidigma ng Pangulo laban sa krimen at droga ay hindi niya inilagay sa kanyang sariling kamay ang batas. Dahil demokrasya nga tayo at ang gobyerno natin ay gobyerno ng batas at hindi tao, ang ginamit niya sanang instrumento o armas ay ang batas. Batas laban sa krimen. Ito ang rule of law. Ito ang tanging paraan upang mangibabaw ang moral authority ng gobyerno sa kanyang mamamayan at hindi... para rin itong kriminal na nakikipagpatayan sa mga kriminal. Kaya lang, pinili mismo ni Pangulong Digong na siya ang lumaban sa krimen. Dahil dito, kapag sinabihan siyang maghinay-hinay sa kanyang kampanya laban sa droga at igalang ang karapatang pantao ng kanyang sinasagasaan o nasasagasaan, nagpupuyos siya sa galit. Lahat ng masamang salita at panlalait ay ipapalasap niya sa mga nagsabi sa kanya na igalang ang due process. Pero, ito ang proseso ng batas para maihiwalay ang maysala sa inosente. Nakapagpaliwanag kasi ang pinagbibintangan kahit nangangailangan ito ng panahon. Paano ngayon iyong marami nang napatay na ang mga pumatay pala ay hindi mapapagkatiwalaang ilagay sa kanilang kamay ang batas? Marahil, alam na ng Pangulo kung bakit hindi niya dapat kamuhian ang due process at karapatang pantao. (Ric Valmonte)
Night Owl

Kailangan mong bumoto