DAVAO CITY – Nagsagawa ng naiibang “Tokhang” ang dalawang pulis-Davao City matapos nilang personal na i-deliver ang pagkain na inorder ng isang kostumer ng isang fast food restaurant.
Hindi nag-atubili sina PO1 Samuel Trapal Agua, Jr. at PO1 Richie Lou Lorenzana Cubol, mula sa Precinct 2 ng Davao City Police, na tumulong sa pagde-deliver ng order ni Kristine Faith Ceniza Jov, makaraang maaksidente ang driver ng Jollibee delivery motorcycle.
Nagdesisyon sina Agua at Cubol na sila na mismo ang mag-deliver ng pagkain sa paniwalang hinihintay ang order at gutom na marahil ang kostumer.
Ipinaskil ni Jov ang insidente sa Facebook, kumpleto sa screenshot ng pag-uusap nila ng isang kinatawan ng Jollibee na humihingi ng paumanhin.
Pinaikling “toktok-hangyo” o kumatok at makiusap, ginamit ang Tokhang sa kampanya ng pulisya laban sa droga, na isa-isang kinakatok ng mga pulis ang mga sangkot sa droga at pinakikiusapang sumuko ang mga ito.
Sinuspinde ng pulisya ang Oplan Tokhang noong nakaraang linggo sa hinalang nagagamit ito ng ilang tiwaling pulis sa pagsasagawa ng mga ilegal na aktibidad, kaugnay na rin ng pagdukot sa Korean na si Jee Ick-joo na pinatay sa loob ng Camp Crame.
Sa pagkakataong ito, pinuri ni Jov ang mga pulis sa pagkatok sa pintuan ng kanyang bahay dahil sa halip na ang karaniwang takot at kasiyahan ang idinulot ng Tokhang para sa kanya. (Yas D. Ocampo)