ISINUSULONG ng lokal na pamahalaan ng Pugo, La Union sa kanilang mga mamamayan ang pagbabalik sa katutubong pamamaraan ng pagluluto, gamit ang kawayan o tubong, at i-promote ito sa inilunsad na kauna-unahang Tinungbo Festival na may temang “Sowing the seeds for our Agri- Eco-Tourism Development through a Festival with a Cause”.

Sumigla, nabuhay at naging masaya ang 5th class municipality ng Pugo sa paglulunsad ng unang festival, kasabay ang kapistahan sa loob ng isang buwan sa ilalim ng pamumuno ng kanilang bagong alkalde na si Mayor Priscilla Martin, katuwang ang mga opisyales at barangay.

Ipinakita ng 14 na barangay ang kanilang suporta at kooperasyon sa festival na maisulong ang tradisyon sa pagluluto sa buho na minana pa sa kanilang mga ninuno. Ang pagbabalik at muling pagbuhay sa tinungbo ay mungkahi ng mga elder, dahil nais nilang maipakita at maipamana ito sa mga kabataan ngayon.

Classic movie ‘Ipaglaban Mo!’, ipinalabas ng CCP bilang kampanya vs VAWC

Ipinaliwanag ni Mayor Martin na hindi lamang malagkit na kakanin ang sentro ng kanilang festival, kundi maging ang katutubong pamamaraan ng pagluluto sa mga pagkain na walang anumang ingredients, maliban sa asin lamang.

“Gusto natin na maging healthy food ito, kaya walang anumang ingredients na ihahalo, dahil gusto nating ipasa ang pamamaraan na ito sa kabataan para na rin sa kanilang kalusugan,” pahayag ni Mayor Martin.

Ang Pugo ay mayaman sa kawayan na ngayon ay pinalalago upang walang dahilan ang mga residente na hindi maisagawa ng tinungbo sa kani-kanilang bahay.

Sa pagdiriwang, itinanghal ng bawat barangay ang iba’t ibang produkto at ibinenta sa local tourists sa Agri-Tourism Trading Center, kasabay ang launching ng 1st Tinungbo Festival noong Disyembre 11, 2016. Inaliw din ni Parrot Blue ng Pugad Adventure ang mga manonood.

Pinatunayan ng 14 na barangay at limang paaralan ang masarap at masustansiyang pagluluto sa buho ng iba’t ibang putahe sa 1st Tinungbo Cookfest noong Enero 21. Isa-isang tinikman ng mga hurado ang kanilang mga lutuin at ang pinakamasarap na nanalo ay tumanggap ng premyo.

Naging panaghalian ng bawat barangay, kasama ang mga bisita, ang kanilang iniluto sa kawayan na gaya ng kanin, pinakbet, sinigang, nilaga, adobong isda at marami pang iba’t ibang putahe, na karamihan ay galing sa mayamang ilog ng Pugo at mga gulay na galing sa kani-kanilang bakuran.

Masaya at matagumpay na nagtapos ang selebrasyon noong Enero 22. Nagpamalas ng kahusayan sa street dancing competition ang anim na high school. Nagwagi ang Pugo Catholic School, pumangalawa ang Pugo Central National High School at pangatlo ang Saytan Integrated School.

Kinahapunan ay nasaksihan din ng mga residente ang husay ng Philippine Military Academy sa isinagawang silent drill exhibition at kinagabihan ay isang masayang handog para sa mga balikbayan at komunidad ang makukulay na ilaw sa himpapawid mula sa fireworks. (RIZALDY COMANDA)

[gallery ids="223264,223263,223261,223260"]