LUCBAN, Quezon – Labingwalong katao ang nasugatan, ilan sa mga ito ay malubha ang lagay, makaraang biglang umarangkada ang isang bridal car na dire-diretsong sumalpok sa iba pang mga sasakyan at ilang kainan sa mataong San Luis Street sa Barangay 10, Lucban, Quezon, nitong Sabado ng hapon.
Sinabi ni Quezon Police Provincial Office Director Senior Supt. Rhoderick C. Armamento na karamihan sa mga biktima ay naglalakad sa kalsada, malapit sa naghilerang mga kainan na punumpuno ng nagsisipagmeryanda, nang biglang humarurot ang Hyundai Accent (AAC-1678) na minamaneho ni Roger A. Peñaflor, 53, ng Bgy. 10.
Galing sa parking area ng San Luis Parish Church matapos gamitin bilang bridal car, inararo ng Accent ang mga biktima bandang 2:40 ng hapon.
Nang arestuhin, sinabi ni Peñaflor na sinikap niyang makapagpreno at inangat ang hand brake upang makontrol ang pagharurot ng sasakyan pero bigo siya.
Isinugod ang mga biktima sa MMG General Hospital sa Lucban, habang inilipat naman ang iba sa Quezon Medical Center at Doctor’s Hospital sa Lucena City.
Kinilala ng pulisya ang mga nasugatan na sina Rey Mark C. Reyes, 12; Novalyn Keith S. De Asis,19; Christina S. De Asis, 45; Romano A. Ibardelosa, 49; Jessica Florez,16; Rey A. Reyes, 35; Vickson L. Briagas, 32, tricycle driver; Robin A. Reyes, 23, vendor; Mark Salamat Apuada, 21; Marion Joyce S. Villaverde,18; Romeo L. Elpa, 59; Rico R. Ortañes,57, driver; Oliver O. Amador, 34, tricycle driver; Jose Joel P. Obat, 48,driver; Ernald D. Gahuman, 29, driver; Ildefonzo R. Absulio, 54, vendor; Eubert G. Lucmong, 21; at Merlo B. Cerbantes, 27, driver.
Napinsala sa insidente ang Toyota Innova, Isuzu Elf, at isang Honda tricycle. (Danny J. Estacio)