Ni ROCKY NAZARENO

Gaya ng isang nanliligaw na inilingan, hiniram ni Pangulong Rodrigo Duterte ang lyrics ng awitin ni James Ingram noong 80s upang ipahayag ang kanyang pagkadismaya sa kanyang pagbawi sa unilateral ceasefire nitong Biyernes ng hapon sa North Cotabato.

“I did my best, but my best just wasn’t good enough,” sambit ng Pangulo.

Sa katunayan, ginawa niya ang kanyang makakaya upang mahikayat ang Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF) na may handog na pagkakasundo na kailanma’y hindi pa nangyari sa loob ng 40 taon ng pag-uusap sa loob ng limang nakalipas na presidente, kaugnay ng pagnanais na matuldukan ang 48 taong bakbakan.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Sinalubong ni Duterte ang mga nangungunang leader ng CPP-NPA-NDF sa Malacañang Palace, isang bagay na hindi nagawa ng mga nagdaang administrasyon.

Kaya, para sa isang Pangulo, ang pagtanggi na alisin ang unilateral ceasefire na inihayag ni NPA Spokesperson Jorge “Ka Oris” Madlos, dalawang araw na ang nakalilipas, ay patunay na huling baraha.

Ganito rin marahil ang nararamdaman ng Philippine Government (GRP) Peace Panel negotiators sa pagkukumbinse sa NDF sa pamamagitan ng tatlong round ng formal peace talks sa Oslo, Norway at nitong Enero sa Rome, Italy.

Mismong si Duterte ang nanligaw nang ipag-utos niya na palayain ang 21 senior officer para sa unang round ng peace talks noong Agosto.

Isinagawa ang unang round ng pag-uusap sa isang napakainit na pagsalubong na kung saan naibulalas ni Special Envoy for the Philippine Peace Process Elisabeth Slattum ng Royal Norwegian Government (RNG) na, “Are you really fighting?”

Gayunman, sa mga sumunod na round, nang mapunta ang usapan sa isang kumplikadong paksa, gaya ng pagpapalaya sa mga political prisoner, naging masalimuot na ang mga pangyayari.

Sa pag-uusap noong Oktubre ng nakaraang taon, sinimulan na pag-usapan ang ideya ng jointly-declared ceasefire, ngunit ipinagpilitan ng NDF na nais muna nilang mapalaya ang 392 political prisoner.

Sa unang bahagi ng Disyembre ng nakaraang taon, nagkaroon ng usap-usapan na papayag ng NDF na magkaroon ng ceasfire na isang magandang pamasko ni Pangulong Duterte sa mga Pilipino, habang papayagang makauwi ang mga bilanggong rebelde at makapiling ang kani-kanilang pamilya.

Bago magtapos ang taong 2016, sinabi ni Pangulong Duterte ang kanyang kondisyon sa grupong komunista: “Show me a copy of the agreement for a bilateral ceasefire, and I will release political prisoners within 48 hours.”

Naging maayos naman ang simula ng peace talks at maging ang NDF Peace Panel member ay nagsabing nagsisimula na nilang “feel like the fiancée and not merely the suitor this time.”

“Parang nasa pamanhikan na ‘to. Pero siyempre, gaya ng mga pamanhikan, meron pa ring kakulangan ng tiwala sa panunuyo namin. Mapapa-oo rin namin sila,” ayon sa panel member.

At lumabas ang balita kaugnay ng engkuwentro sa pagitan ng government forces at NPA rebels sa Makilala, North Cotabato nitong Enero 21 at napatay ang isang rebelde at walong sundalo. Ito ang unang bakbakan na nangyari sa pagitan ng magkabilang kampo simula nang magkaroon ng ceasefire noong Agosto 2016.

At dito na nagtapos ang lahat.