MATAPOS mapatay ang 7,000 pinaghihinalaang drug pusher at user na pawang ordinaryo at mahirap na tao, ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte kay PNP Chief Ronald “Bato” dela Rosa na pansamantalang itigil ang Oplan Tokhang o illegal drug operation. Nais ng Pangulo na linisin muna ang “gubat” sa loob ng PNP na pinamamahayan ng mga leon, tigre at buwaya na sumisira sa imahe ng organisasyon.

Nakahinga nang maluwag ang mga mamamayan na bagamat suportado nila ang kampanya ni Mano Digong laban sa illegal drugs, matindi naman ang pag-ayaw sa pamamaraan ng paglipol sa pushers, users at drug lords (meron na ba o ilan na ang naitumbang big-time suppliers/lords?).

Napupuna nila na ang karaniwang itinutumba ng mga tauhan ni Gen. Bato sa kanilang buy-bust operations ay mga ordinaryong nakatsinelas na suspek na agad-agad binabaril sa katwirang nanlaban daw gamit ang .38 cal. revolver. Eh, paano iyong pinapasok nila sa loob ng bahay habang natutulog, binabaril nang walang patumangga kaya pati mga anak ay nadadamay? Ang sabi nila ay mga vigilantes ang may kagagawan nito. Ang duda naman ng mga saksi sa insidente, mga pulis din ang vigilantes.

Inamin ni Pres. Rody na kulang ang tatlo hanggang anim na buwan upang ganap na masugpo ang illegal drugs sa bansa.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Ito ang pangako niya noong kampanya kaya bumilib sa kanya ang mga Pinoy at ibinoto siya ng 16.6 milyong botante.

Akala daw niya ang problema sa droga ay hindi ganoon kaseryoso o kalala. Ang naging “paradigm” daw niya ay ang ilegal na droga sa Davao City noong siya ang alkalde. Ngayong siya ang Pangulo at hawak ang mga impormasyon, napagtanto niya ang lawak at saklaw ng illegal drugs.

Bagamat nasa “freezer” ngayon ang Oplan Tokhang at kasalukuyang nililinis at pinupurga ni Gen. Bato ang PNP laban sa “rogue cops” o mga tarantadong pulis, sinabi ni Mano Digong na ang paglaban sa illegal drugs ay magpapatuloy hanggang sa katapusan ng kanyang termino sa 2022.

Sabi nga ni kaibigang Ramon Tulfo na isang kolumnista at nakasama ko sa coverage ng Department (noon ay Ministry pa) of National Defense at military establishments: “If the police are quick to dispose of notorious criminals and drug pushers without the benefit of the trial, why can’t they do the same to their rogue colleagues (mga tarantadong pulis)”?

Dagdag pa ni Tulfo sa kanyang column na ON TARGET: “Natuwa ang mga mamamayan nang iutos ni PDu30 kay Bato na linisin at purgahin ang PNP sa mga tarantadong miyembro nito at natuwa rin ang mga dayuhan na nagnenegosyo sa bansa.” Sa naturang English column ni Tulfo (kaibigan din siya ng Pangulo) na nagmungkahi noon kay Mano Digong na alisin si Salvador Panelo bilang Press Secretary sapagkat ayaw sa kanya ng mga reporter, tinukoy niya ang mga pulis na nakunan ng video na “nagtatanim” ng bawal na droga sa tanggapan ng BPO. Ipinakita ang video ni Sen. Ping Lacson sa pagdinig sa Senado.

Ayon kay Mon Tulfo, kung talagang gusto nina Pres. Rody at Gen. Bato na malinis at mapurga ang PNP, dapat tanggalin agad ang mga ito sa seribsyo, kasama sina Supt. Rafael Dumlao at SPO3 Ricky Sta. Isabel. Sakali raw na ang mga ito ay maging biktima ng tinatawag na extrajudicial killings (EJKs), tiyak daw na matutuwa ang taumbayan. Nais daw ng publiko ang dugo, at hangad nila na ang dugo ay mula sa rogue cops! (Bert de Guzman)