Draymond Green,Darren Collison

NEW YORK (AP) – Maagang dinomina ng Cleveland Cavaliers ang New York Knicks at matikas na naisalba ang paghahabol ng karibal sa krusyal na sandali tungo sa 111-104 panalo nitong Sabado (Linggo sa Manila) sa pamosong Madison Square Garden.

Nanguna si LeBron James sa Cavs sa natipang 32 puntos mula sa 12-of- 20 shooting at may 10 assist para sa ikalawang sunod na panalo ng Cleveland.

Nag-ambag si Kevin Love ng 23 puntos at 16 rebound para sa ika-34 panalo sa 49 laro ng Cavaliers. Kumubra si Channing Frye ng 14 puntos mula sa 5-of-9 shooting, habang nag-ambag si Tristan Thompson ng 12 puntos.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Namuno sa Knicks si Brandon Jennings sa natipang 23 puntos mula sa 8-of-13 shooting, habang nalimitahan si Carmelo Anthony sa 17 puntos, gayundin si Courtney Lee para sa ika-30 kabiguan sa 51 laro ng New York.

KINGS 109, WARRIORS 106 OT

Sa Sacramento, nakauna ang Kings sa naisalpak na pitong sunod na puntos sa overtime para maungusan ang Golden State Warriors.

Naisalpak ni Matt Barnes ang triple at kumana ng back-to-back basket si DeMarcus Cousins para maisalba ang laban at tuldukan ang losing skid sa tatlong laro para sa ika-20 panalo sa 51 laban.

Nag-ambag si Darren Collison ng 18 puntos mula sa 8-of-13 shooting, habang tumipa si Willie Cauley-Stein ng 14 puntos at tumapos si Barnes na may 11 puntos.

Natuldukan ang seven-game win ning streak ng Warriors, sa kabila ng impresibong opensa ng ‘Splash Brothers’ na tumipa ng pinagsamang 61 puntos.

Hataw si Steph Curry sa naiskor na 35 puntos, tampok ang walong three-pointer, habang tumipa si Klay Thompson ng 10-for-25 kabilang ang apat na three-pointer.

Nalimitahan si Kevin Durant sa 10 puntos.

SPURS 121, NUGGETS 97

Sa San Antonio, nagbunyi ang homecrowd sa matikas na panalo ng Spurs, sa pangunguna ng mga beteranong sina Manu Ginobili at Tony Parker na umiskor ng tig-18 puntos sa panalo kontra Denver Nuggets.

Nag-ambag si Kawhi Leonard ng 19 puntos mula sa 6-of-13 shooting para sa ikatlong sunod na panalo ng Spurs at ika-39 sa 50 laro.

Nanguna sa Denver si Jamal Murray na may 20 puntos, habang kumana si Nikola Jokic ng 11 puntos sa Denver, nagtamo ng ika-28 kabiguan sa 50 laro.

HAWKS 113, MAGIC 86

Sa Atlanta, hataw si Paul Millsap sa naiskor na 21 puntos bago ipinahinga sa

final period sa dominanteng panalo ng Hawks kontra Orlando Magic.

Kumubra rin si Tim Hardaway Jr. ng 21 puntos at tumkipa si Dennis Schroder ng 17 puntos at 10 assist para sa ikatlong panalo sa huling apat na laro ng Hawks at ika-30 sa 51 laro sa kabuuan.

Nanguna sa Magic si Aaron Gordon na may 16 puntos.

Sa iba pang laro, nagwagi ang Memphis Grizzlies kontra Minnesota Timberwolves, 107-99; pinakulimlim ng Milwaukee Bucks ang Phoenix Suns, 137-112; tinalo ng Utah Jazz ang Charlotte Hornets, 105-98; iginupo ng Miami Heat ang Philadelphia Sixers, 125-102; ginapi ng Indiana Pacers ang Detroit Pistons, 105-84; at pinabagsak ng Washington Wizards ang New Orleans Pelicans, 105-91.