MALAKI ang kontribusyon ng mga overseas Filipino worker (OFW) sa ating ekonomiya. Ang kanilang remittances ay tumutulong sa paglutang at paglago ng ating bansa. Pero kapanalig, nagagamit ba natin nang wasto ang kanilang mga padala?
Ayon sa datos ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) noong 2014, ang mga padala ng mga OFW na nagdaan sa ating banking system ay umabot sa US$24.3 billion. Ito ay katumbas na ng 8.5 porsiyento ng ating gross domestic product (GDP).
Sa unang bahagi ng 2016, ang mga remittance ng mga OFW ay umabot sa $7.2 billion. Mas mataas pa ito ng 4.3% kaysa sa unang bahagi ng 2015.
Ang mataas na lebel na padala ng ating mga kababayan ay isang oportunidad upang mas maging inklusibo ang ating pagsulong. Kadalasan, tumataas ang padala kapag malapit na magpasukan dahil maraming mga kaanak ang nagpapadala ng pangmatrikula ng mga bata. Tumataas din ito kapag paparating na ang Pasko, syempre para may pang-Noche Buena. Kahit pa may malakihang gastos gaya nito, maraming pamilya ng OFW ang nag-iimpok na rin sa bangko. Batay sa datos ng BSP, noong 2014, aabot sa 41% ng mga OFW ay may mga savings mula sa kanilang remittances.
Maliban sa savings, maaaring matulungan ang mga OFW na mas lumago pa ang kanilang mga itinatabing pera sa pamamagitan ng mga financial products na makakapag- invest sila upang mas mabilis lumago ang mga ito. Doble ang epekto nito.
Maliban sa pagbibigay ng investment sa OFWs, malaki rin ang macon-contribute nito sa ekonomiya dahil ang pamumuhunan ay maaaring mag-generate ng trabaho.
Ang inclusive growth ay mahalaga. Sinisiguro nito na walang maiiwan, na lahat tayo ay kasama sa paglago ng ekonomiya.
Ayon sa Philippine Development Plan 2016, tumataas ang ating populasyon ng 2% kada taon, pero mabagal ang pagtaas ng ating income. Kapag ang ating mga polisiyang pampinansiyal ay inklusibo, mas marami sa atin ang magkakaroon ng pagkakataon na makaangat sa buhay. Mas maiaangat natin ang buhay ng mga kababayang sadlak sa kahirapan. Ang maayos na pamamalakaya ng mga oportunidad, gaya ng lumalaking remittances sa bansa, ay inklusibo. Ehemplo rin ito ng tinatawag na mainam na “stewardship of God’s creation” na isa sa mga prinsipyo ng Panlipunang Turo ng Simbahan.
Isang gabay mula sa Gaudium et Spes na sana’y ating dinggin: “God destined the earth and all it contains for all people and nations so that all created things would be shared fairly by all humankind under the guidance of justice tempered by charity.” (Fr. Anton Pascual)