KIM AT MATTEO_please crop the watermark copy

PAGKATAPOS ng mahigit anim na taon simula nang gawin nila ang seryeng My Binondo Girl, muling magsasama sa isang proyekto sina Kim Chiu at Matteo Guidicelli. This time, sa big screen naman sila, ang Ghost Bride na kauna-unahang pelikula nila together.

Ito ang pinakabagong horror movie na ididirihe ng ace filmmaker na si Direk Chito Roño, ang may hawak ng All-time Highest Grossing Horror Film (Feng Shui).

Kuwento ni Kim, nakasentro sa iba’t ibang Chinese tradition ang kuwento ng pelikula.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

“Sa totoo lang naman, eh, marami pa ring Chinese tradition na hindi gaanong alam ng mga kababayan natin lalo na ang tungkol sa ghost bride. P’wede nilang -iresearch ito, iilan lang kasi ang nakakaalam,” sey ni Kim.

Sigurado si Kim na magugustuhan ng moviegoers ang pelikula nilang ito ni Matteo.

“Ang mga Pilipino kasi, eh, mahihilig sa Chinese culture. Pansinin nyo lang nu’ng nakaraang Chinese New Year, ang daming mga Pilipino ang nakiusyo sa mga ginagawa ng mga Chinese,” sabi ng dalaga.

Dalawang beses na siyang naidirihe ni Chito Roño, pangatlo na ang Ghost Bride, kaya may mga baon na siyang pointers sa muling pagsasama nilang ito ng ace director. Kaya rin may payo siya sa magiging leading man niya.

“Makinig lang siya at huwag siyang magsi-cellphone at one more thing, eh, dapat pagdating niya sa set, eh, memorized na niya ang kanyang mga linya,” tip niya kay Matteo.

Idinagdag din ng dalaga na metikulosong direktor si Chito Rono.

“Si Direk Chito, eh, alam niya ang gusto niya. Kapag hindi pa siya kuntento sa acting na ipinakita mo, eh, ipapaulit niya ‘yun. Kaya nga sa totoo lang, eh, nai-excite rin ako dahil every time na nagtatrabaho kami , eh, may mga bago talaga akong matutunan kay Direk,” seryosong banggit ng actress.

Samantala, pinaghihiwalay na talaga sila ng boyfriend niyang si Xian Lim sa mga proyekto. Isinama na si Xian sa A Love To Last at ginagawa naman ni Kim ang reunion serye nila ni Gerald Anderson. Pero hindi sila nababahala sa desisyong ito.

“Siyempre, inaasahan na rin naman namin ito. Hindi naman kasi kami katulad ng mga batang love teams na pakilig. Nasa mid-twenties na rin naman kami.

“So, parang dapat lang na medyo i-expand namin ang mga natutunan naming bilang actor or actress,” ani Kim.

Makakasama nila ni Matteo sa Ghost Bride sina JC Santos, Alice Dixon, Jerome Ponce, Victor Silayan, at marami pang Kapamilya talents. (JIMI ESCALA)