Layunin ng isang resolusyon sa Kongreso na suriin at paimbestigahan sa kapulungan ang tunay na kalagayan at bisa ng pagtuturo ng information technology (IT) at computer science sa bansa dahil sa umano’y salat na kaalaman ng nagsipagtapos ng mga kursong ito sa nakalipas na mga taon.
Ayon sa House Resolution 772 (HR 772), malaki ang masamang epekto nito sa software industry ng bansa kaya dapat na imbestigahan ng House committees on higher and technical education ay information and communication technology ang problema at agarang gumawa ng mga hakbangin para pataasin ang antas at kalidad ng natututuhan sa nabanggit na mga larangan. - Beth Camia