NAKAUSAP namin sa presscon ng Home Sweetie Home ang business unit head ng sitcom na si Mr. Raymund Dizon. Isang taon na niyang pinamamahalaan ang show na iniwan ng nagretiro nang si Ms. Linggit Tan.

Happy si Mr. Dizon sa pakikipagtrabaho sa may pagkakaisa at masayang grupo ng Home Sweetie Home.

Bakit idinagdag sa cast si Ellen Adarna, hindi ba pasaway lalo’t inaamin naman ng dalaga na luka-luka siya kung minsan.

“Okay si Ellen, wala kaming problema sa kanya, always on time. So far, wala kaming na-encounter pa. Kaya namin siya isinama kasi to add spicy kasi sexy siya, maraming may gusto kay Ellen, eh,” paliwanag ng TV executive.

Tsika at Intriga

'Magkagalit sila?' Dennis, Ruru 'di raw nagpansinan sa set ng 'Green Bones'

Saang bansa pupunta ang Home Sweetie Home para sa kanilang third anniversary?

“Sa pagkakaalam ko po baka sa US and Europe, pero may mga inaayos pa po, hindi pa sure, pero iyon ang target,” kaswal na sagot sa amin.

Mataas ang ratings ng HSH kaya sila umabot ng three years and still counting bukod pa sa tadtad ng commercials.

Magastos bang i-produce ang HSH?

“Ay, hindi naman po, matipid. Well, sa talent fees, we have John Lloyd (Cruz) and Toni (Gonzaga), so baka sila lang,” napangiting sagot TV executive.

Kaya bang lampasan ng Home Sweetie Home ang longest running sitcom ng Philippine television na John and Marsha (17 years) at Palibhasa Lalake (11 years)?

Sabi ng executive producer ng show na si Marvi Gelito, “Tingnan natin, depende sa kanila.”

May script pa bang sinusunod ang bawat karakter dahil parang naglalaro na lang naman sila sa set?

“Meron naman, may mga adlib konti pero may script naman silang sinusunod pa rin kasi hindi na uso ‘yung puro adlib na parang Palibhasa Lalake days na sasabihin ang mangyayari sa eksena ‘tapos bahala ka na mag-execute. Dito sa Home Sweetie Home, meron naman,” kuwento ni Marvi.

Binati namin si Mr. Raymund Dizon na business unit head din ng Pinoy Big Brother at The Voice na pawang matataas din ang ratings kaysa noong hawakan nila ni Enrico Santos ang mga fantaserye na hindi gaanong kinagat ng tao, maliban sa Super Inggo.

“Oo nga po, eh, mahirap kasi ang fantaserye, siguro mas forte ‘yun ng kabila (GMA-7). Pero magkakaroon po tayo (ABS-CBN) ng fantaserye, ‘yung sa Star Creatives, ‘yung kina Daniel Padilla at Kathryn Bernardo po, La Luna Sangre. Dinig ko malaki ‘yun at gagastusan nang husto,” kuwento ni Mr. Raymund.

As of now, nagpapa-audition na rin ang kanyang unit para sa The Voice Teen Edition (13-17 years old). (REGGEE BONOAN)