Muling inalerto ang Quick Response Teams (QRTs) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD)-Region 13 sa low pressure area na naging bagyong ‘Bising’, na tumama sa Caraga Region kahapon.

Bukod sa QRTs, naghanda rin ang regional office ng DSWD-13 ng 17,000 family food packs (FFPs) na nagkakahalaga ng P5.489 milyon at nakahanda nang ipamahagi ang mga ito sa maaapektuhang local government units (LGUs) kung sakali mang lumakas o mag-landfall ang Bising.

Isinailalim na ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) at ng Regional Disaster Risk Reduction and Management Council (RDRRMC) ang rehiyon sa Signal No. 1.

Sinabi rin ni DSWD-13 Director Mita Chuchi G. Lim sa Manila Bulletin at Balita kahapon na handa ang kagawaran na mag-repack ng 18,000 FFPs na nagkakahalaga ng P5.812 milyon sa warehouse nito sa Tiniwisan kapag lumakas pa ang bagyo.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Kahapon, 2,500 FFPs na ang nakahanda sa Provincial Social Welfare Office sa Patin-ay, Prosperidad, Agusan del Sur, para ipamahagi sa mga biktima ng bagyo.

Nakahanda na rin ang 4,650 FFP para sa iba’t ibang pamahalaang lokal sa Caraga.

Idinagdag niya na hinihintay din nila ang official report at mga kinakailangang dokumento ng mga lokal na pamahalaan hinggil sa mga namatay sa kani-kanilang nasasakupan.

Sa ngayon, walong katao na ang iniulat na namatay dahil sa pagkalunod sa iba’t ibang bahagi ng rehiyon dahil sa matindingh baha.

Samantala, muling inalerto ng RDRRMC sa Caraga ang lahat ng city, provincial at municipal DRRMCs sa pagtama ng Bising.

Samantala, bahagyang humina ang bagyong Bising nang sumapit sa bahagi ng Surigao del Sur.

Sa weather bulletin ng PAGASA, sa kabila ng paghina ng bagyo sa nakalipas na 24 oras ay kumikilos ito pahilagang-kanluran.

Huling namataan ang Bising sa layong 515 kilometro ng Hinatuan, Surigao del Sur, dala ang hanging 45 kilometer per hour (kph) malapit sa gitna at bugsong 55 kph.

Kumikilos ang bagyo pahilaga-kanluran sa bilis na 11 kph.

Ngayong umaga, tinataya ng PAGASA na ang bagyo ay nasa layong 405 kilometro ng hilagang-silangan ng Hinatuan.

Bukas ng umaga, ito ay nasa layong 450 kilometro ng hilagang-silangan ng Guiuan, Eastern Samar o nasa labas na ng Philippine area of responsibility (PAR). - Mike U. Crismundo at Rommel P. Tabbad