Ni Marivic Awitan
WINALIS ng defending men’s champion Ateneo de Manila ang season host University of Santo Tomas , 25-23, 25-14, 25-18, sa pagsisimula ng kanilang three-peat bid kahapon ng umaga sa pagbubukas ng 79th men’s volleyball tournament sa Smart Araneta Coliseum.
Nadagdagan pa ang dating ipinagmamalaking lakas ng Blue Eagles sa pagkakadagdag ng 6-foot-8 na si Tony Koyfman para tapusin ang laro sa loob ng isang oras at 19 na minuto.
Muling nanguna si reigning 3-time Most Valuable Player Marck Espejo para sa Blue Eagles sa itinala nitong 13 puntos bukod pa sa 7 excellent reception at 5 dig.
Naging malaking tulong ang presensya ni Koyfman na tumapos na may walong puntos dahil naiilang sa kanya ang mga spikers ng Tigers.
“Everybody delivered well, ‘yung mga coming from the bench. Again, ‘yun lang ang nakita kong maganda sa team namin, ‘yung resiliency, kasi noong first set, we were in a hurry,” ayon kay Ateneo coach Oliver Almadro. “Kasi ang mantra namin, from the previous years we always start slow. So ngayon, we want to start strong, but the tendency is nagmadali.”
“So I guess, a couple of errors, a couple of miscommunications,”
“But ‘yung resiliency at yung composure ng team, yun ang nag pay off in that first set for us, kaya nakuha namin ang first set,” aniya.
Naging malaking problema naman para sa UST ang napakaraming errors na kanilang natamo na umabot ng 31.
Wala ni isang tumapos na may double digit para sa Tigers na pinangunahan ni Manuel Medina na may walong puntos.
Nauna rito, winalis din ng nakaraang taong losing finalist National University ang nakatunggaling University of the East, 25-23, 25-10, 25-19.
Pinangunahan ni Bryan Bagunas ang naturang panalo sa itinalang 22 puntos.
Namuno naman para sa Red Warriors na nalasap ang ika-29 na sunod na kabiguan si Edward Camposabo na nagtapos na may 14 puntos.