INIHAYAG noong nakaraang linggo ni United States President Donald Trump na itutuloy niya ang ipinangako niya noong nangangampanya na magtatayo ng pader sa katimugang hangganan ng bansa sa Mexico upang itaboy ang mga illegal immigrant. Sinisi niya ang mga immigrant mula sa South at Central America sa pakikinabang sa mga trabaho na, ayon sa kanya, ay para sa mga Amerikano.
Nagtatayo rin siya ng isa pang pader laban naman sa mga refugee mula sa Gitnang Silangan at North Africa — isang pader ng mga pagbabawal sa immigration upang hindi mapasok ang bansa ng mga terorista, aniya. Nagpalabas siya ng executive order na nagsususpinde ng tatlong buwan sa pagpasok sa Amerika ng mamamayan mula sa pitong karamihan ay bansang Muslim — ang Iran, Iraq, Libya, Somalia, Sudan, Syria, at Yemen. Sa pagtatapos ng apat na buwan, magpapatupad ng panibagong patakaran laban sa immigration.
Mistulang desidido si Trump na ihiwalay ang Amerika sa iba pang panig ng mundo, kung saan matagal nang dominante ang impluwensiya nito. Bago ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, ang mga ugnayang pandaigdigan ay sinasaklaw lamang ng makakapangyarihan sa Europa — ang Spain at Portugal sa mga unang taon ng paglalakbay at pananakop. Sinundan ito ng England at France. Namayagpag at nagapi naman ang Germany noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Sa panahon pagkatapos ng digmaan, ang Amerika at Soviet Russia ang hinirang na pinakamakakapangyarihan sa mundo. At sa pamamaalam ng Soviet Union noong 1991, natirang pinakamakapangyarihan sa lahat ang Amerika.
Nahalal si President Trump sa panahong napakabilis ng mga pagbabago sa mundo, ngunit mistulang determinado siyang alisin ang Amerika sa posisyong may malawakan itong impluwensiya sa mga pandaigdigang usapin, dahil sa pagtutok niya sa mga problema ng kanyang bansa. Nababahala ang mga pinuno sa Europa sa pagbatikos ni Trump sa North Atlantic Treaty Organization (NATO), na tinawag nitong “obsolete.” Sinabi ni British Prime Minister Theresa May na hindi siya sumasang-ayon sa mga ipinatutupad na limitasyon ni Trump sa immigration, habang nagbabala naman si French President Francois Hollande laban sa mga maaaring maging epekto sa ekonomiya at sa pulitika ng protectionist na paninindigan ni Trump.
Nakatuon ang pansin ni Berlin Mayor Michael Mueller sa pader na ipinanukala ni Trump sa hangganan ng Amerika sa Mexico. Binalikan niya sa alaala kung paanong ang “Iron Curtain” ng Europa — partikular na ang Berlin Wall — ay nagdulot ng labis na pagdurusa noong Cold War at kung paanong nagsalita si President Ronald Reagan sa Berlin noong 1987 para hamunin si Soviet Prime Minister Mikhail Gorbachev: “Tear down this wall!” Ngayon, ayon kay Mayor Mueller, sasabihan niya si Trump: “Don’t build this wall!”
Ang naging desisyon ni Trump ay kinontra ng mismong mga naglilingkod sa gobyerno. Sinibak niya nitong Lunes ang acting US attorney general makaraang isapubliko nito ang pagkuwestiyon sa pagbabawal niya sa immigration at mga refugee. Ikinasa ang kabi-kabilang protesta matapos na madetine ang ilang legal at permanenteng residente ng Amerika sa mga paliparan sa bansa.
Ang mga direktiba ni President Trump laban sa immigration at sa mga refugee ay nagpapakita ng determinasyon niyang tutukan ang pagresolba sa mga problemang panloob ng Amerika at iwasan ang mundo na sinisisi niya sa mga suliraning ito. Masasaksihan natin ang maraming iba pang direktibang gaya nito sa mga susunod na buwan at taon. Tiyak nang magtatayo ng pader na magbibigay-proteksiyon — ngunit kasabay nito ay maghihiwalay din—sa Amerika mula sa mundo.