PINAKAMALAKING lawa sa buong Asia ang Laguna de Bay na kilala rin sa tawag na LAGUNA DE BAI na may lawak na 90,000 ektarya. Saklaw nito ang mga bayan sa Rizal, Laguna at ilang bayan ngayon sa Metro Manila na dating sakop ng Rizal; tulad ng Pasig, Pateros, Taguig, Muntinlupa, at Las Piñas.

Sa Noli Me Tangere ng ating pambansang bayaning si Dr. Jose Rizal, imortal na ang Laguna de Bay sapagkat ginamit itong tagpuan sa dalawang kabanata ng nobela.

Una ay sa Kabanata 23 na may pamagat na “Ang Pangingisda’’. Binanggit ang baklad (fish trap) sa Laguna de Bay na ang nahuhuling mga isda sa lawa ay mga biya, ayungin, dalag, buwan-buwan, kanduli, bangus, ulang, banak at iba pa na kasama sa agos ng tubig-alat mula sa Ilog Pasig patungo sa lawa. Ang ikalawa ay sa Kabanata 61 na may pamagat na “Pamamaril sa Lawa”. Inilarawan ng ating pambansang bayani ang pagtakas nina Elias at Ibarra sakay sa isang bangka.

Hinahabol at binabaril sila ng mga guwardiya sibil. Ang paspas na pagsagwan ni Elias sa kanilang bangka ay patungo sa Binangonan at Isla ng Talim.

Night Owl

Kailangan mong bumoto

Noong dekada ‘50 hanggang dekada ‘60, ang mga mangingisda sa Rizal at Laguna ay sa mga biyayang dulot ng Laguna de Bay kumukuha ng kanilang ikinabubuhay. Walang fish pen. Sagana sa mga isda at hipon, suso at tulya sa lawa. Malayang nakapangingisda gamit ang mga lambat ng kitid, pante, sakag, pukot, suklob at pahuran (gamit sa pagkahig o pagkuha ng mga suso). Ipinagbibili sa mga nag-aalaga ng mga itik sa Rizal at Laguna. Suso ang pangunahing pagkain ng mga inaalagaang itik sa Rizal at Laguna. Maraming mangingisda at may-ari ng pukot ang gumanda ang buhay. Napagtapos ng pag-aaral sa kolehiyo at unibersidad ang kanilang mga anak.

Ngunit nagbago ang takbo ng panahon. Nang sumapit ang dekada ‘70, nagbago rin ang takbo ng buhay ng mga mangingisda sa Laguna de Bay sapagkat unti-unting kumonti ang mga isda sa lawa. Dahil dito, ipinagbili na ng mga may-ari ng pukot ang mga lambat at mga bangka na gamit sa pangingisda. Namasukan ang ibang tauhan ng pukot at mangingisda sa mga pabrika. Nagpundar naman ang ibang tauhan ng sariling bangka at mga lambat ng kitid at pante.

Isa sa pangunahing dahilan ng pagkaunti ng mga isda sa lawa ay ang konstruksiyon ng Hydraulic Control Structure na mas kilala sa tawag na Napindan Channel sa may bukana ng Ilog Pasig sa Barangay Napindan. Sa pagkaunti ng mga isda itinayo ang mga fish pen sa Laguna de Bay.

Ang mga may-ari at operator ay mga retiradong opisyal ng pamahalaan at mga heneral ng militar, mga tusong negosyante, mga sirkero at payaso sa pulitika at iba pang masalapi at maimpluwensiyang negosyante.

Sa lawak ng sakop ng mga fish pen, parang nabakuran ang lawa. Mahigpit ang mga guwardiya. Malupit ang iba na armado ng mataas na kalibre at binabaril ang mga mangingisda kapag napadaan sa binabantayang fish pen. (Clemen Bautista)