INILUNSAD ng PhilPop Music Fest Foundation (PhilPop) ang “Songwriting Boot Camp 2017”, kasama sina Ryan Cayabyab at Noel Cabangon bilang boot camp masters. Ngayong taon, iikot sa buong bansa ang PhilPop sa pagbubukas nito ng mga boot camp sa Antipolo, Baguio, Cebu at Davao.
Ang PhilPop ay non-profit advocacy organization na layuning mabigyan ng pagkakataon ang mga Pinoy songwriter na makagawa ng mga bagong awitin, muling magkaroon ng kamalayan at pagpapahalaga sa awiting Pilipino, at makilala ang kanilang sarili sa pop music scene sa buong mundo.
Ngayong nasa ikaanim na taon, mayroong tema ang PhilPop Songwriting Boot Camp 2017 na #dumadagundong2017, na sumasalamin sa layunin ng PhilPop na magbigay ng positibong epekto sa mga Filipino songwriter sa buong mundo.
Inihayag ni PhilPop Chairman Manny V. Pangilinan na nagsimula ang PhilPop sa paniniwala sa musikang Pilipino.
“We from the MVP Group believe in Filipino creativity. We believe in Filipino musicians and artists. PhilPop is about empowering Filipino composers to create music that can inspire and motivate a nation,” aniya.
“Help should be extended not only in times of difficulty or disasters. According to our chairman (MVP), let us help in a ‘feel good’ kind of way, something positive that will excite and inspire the Filipino people. That is why Maynilad is spearheading this PhilPop as an advocacy that will really inspire the Filipino people,” sabi naman ni Patrick Gregorio, vice president ng Philpop.
Bukas ang PhilPop Songwriters Boot Camp sa lahat ng Pilipino na 16 na taong gulang pataas, at nakatira sa mga lugar na pagdarausan ng boot camp — ilulunsad sa Antipolo, Rizal sa Mayo 11-14 para sa mga nasa Southern Luzon; sa Baguio City sa Hulyo 13-16, para sa taga-North at Central Luzon; sa Cebu sa Setyembre 14-17, para sa mga nasa rehiyon ng Visayas; at sa Davao sa Nobyembre 23-26), at para sa mga nasa Mindanao.
Ang mga aspiring songwriter naman mula sa Metro Manila ay maaaring sumali sa mga boot camp sa Antipolo at Baguio.
Ang mga aplikante ay dapat na Filipino citizen, amateur o professional songwriters, at mayroong basic songwriting knowledge (nakakabasa at nakakasulat ng kanta), nakasulat ng kahit isang kanta at hindi pa napabilang sa mga finalist ng PhilPop Songwriting Festival.
Maaaring isumite ang mga aplikasyon sa application section ng website ng PhilPop www.philpop.com.ph. Dapat maghintay ang mga aplikante ng email confirmation mula sa PhilPop Boot Camp Secretariat.
Maaaring ipadala ang aplikasyon simula sa Pebrero 1 hanggang sa Marso 31. Ang mga matatanggap na aplikasyon ay ilalabas sa Abril 15 para sa Antipolo; Hunyo 15 sa Baguio; Agosto 15 sa Cebu; at Oktubre 15 sa Davao. - PNA