DALAWANG kabataan na maagang natutong umibig ngunit lumaking magkaiba ang hangarin sa buhay ang itatampok ngayong gabi sa Maalaala Mo Kaya.
Matalik na magkaibigan sina Sandra (Belle Mariano) at Mart (Zaijian Jaranilla) kahit na tuwing bakasyon lang sila nagkikita. Sa paglipas ng panahon, nauwi ang kanilang pagkakaibigan sa pag-iibigan sa kabila ng kanilang murang edad.
Kahit lumipat na si Sandra sa Bulacan kasama ang kanyang lola, hindi naputol ang kanilang ugnayan at pagmamahalan.
Nagbago ang lahat nang hindi na nagagampanan ni Mart ang mga tungkilin niya bilang boyfriend ni Sandra. Sinubukan ng dalagita na ayusin ang kanilang problema ngunit binalewala lamang ito ni Mart. Nasaktan kaya nagpasya si Sandra na tapusin na ang relasyon nila. Sa pamamagitan ng liham, ipinahayag niya sa binatilyo ang kanyang pagmamahal at kagustuhang magkasama pa rin sila pagdating ng panahon.
Mapagtanto kaya ni Mart na mahal pa niya si Sandra? Muli pa kayang magkrus ang mga landas at puso nila?
Makakasama nina Belle at Zaijian sa upcoming episode sina Yayo Aguila, Ricardo Cepeda, Sofia Andres, Diego Loyzaga, Alexa Macanan, Nathaniel Britt, at Raquel Montessa, mula sa panulat ni Benson Logronio at sa direksiyon ni Raz Dela Torre.