GENERAL TRIAS, Cavite – Malaki ang pag-asam na walang manggagawa na nasawi sa pagkakatupok ng tatlong-palapag na pabrika ng House Technology Industries (HTI) Pte. Ltd. na hanggang sa sinusulat ng balitang ito kahapon ay patuloy na inaapula ang pagliliyab.

Ilang oras makaraang iulat ang pagkamatay ng babaeng isa sa mahigit 100 nasugatan sa sunog, binawi ni Gov. Jesus Crispin “Boying” Remulla, pinuno ng Crisis Management Committee, ang report at sinabing nagkamali sa ulat na ipinarating sa kanya.

“Not true, I made a mistake due to a report passed on to me, Mea culpa (kasalanan ko),” ito ang mensahe kahapon ni Remulla sa mga mamamahayag.

Kumalat ang report kasabay ng pagpasok kahapon ng mga bombero sa bahagi ng malaking gusali, ilang araw makaraang masunog ito nitong Miyerkules ng gabi. Walang iniulat na nasawi sa loob ng gusali hanggang kahapon.

Probinsya

Truck na naghatid ng mga balota sa Bukidnon, nahulog sa bangin; isa patay!

Sinabi kahapon ni Chief Insp. Ariel C. Avilla, Generial Trias fire marshal, na ginagawa ng mga bombero ang lahat upang maapula ang pagliliyab sa gusali, na maya’t mayang pinasisiklab ng styro-foam mga kemikal at iba pang combustible materials.

Mahigit 30 fire truck at mahigit 100 bombero na ang nagtutulung-tulong sa pag-apula ng sunog sa gusali.

“We cannot give exact details that the media needed until fire out was declared and clearing operations had been made in the building,” sinabi ni Avilla kahapon.

Ayon naman kay FO3 Richie Viray, isa sa mga nag-aapula sa sunog, na maaaring abutin ng isa pang araw bago tuluyang maapula ang sunog sa gusali.

Una nang iniulat ni Gov. Remulla at ng Crisis Management Commitee na sa kabuuan ay may 126 na katao, kabilang ang dalawang Japanese na opisyal ng kumpanya, sina Nahgae Hideki, 44; at Tushimitsu Endo, 66, ang dinala sa Divine Grace Hospital at sa iba pang mga ospital. Sa sampung malubhang nasugatan, apat na lamang ang nananatiling kritikal ang kondisyon.

1,500 NAWALAN NG TRABAHO

Inaasahan namang malaki ang magiging epekto ng sunog sa mga Caviteño, ayon sa gobernador, dahil mahigit 1,500 trabahador ng pabrika ang ngayon ay wala nang trabaho.

Nabatid na halos 40 porsiyento ng trabaho sa Cavite Exclusive Processing Zone ang sakop ng natupok na pabrika, na pinakamalaki sa lugar. (Anthony Giron at Beth Camia)