PALIBHASA’Y may malasakit sa mga kapatid sa pamamahayag na nagiging biktima ng walang habas na pamamaslang, laging nakaukit sa aking utak ang nakagawian nang pangako ng nakaraan at maging ng kasalukuyang administrasyon: Hustisya sa mediamen, tutugisin at pananagutin ang kriminal.
Ganito rin ang tono ng pahayag ng kasalukuyang Secretary of Department of Justice (DoJ) Vitaliano Aguirre II kaugnay ng pagpatay sa isang kapatid natin sa propesyon: “I would like to give the assurance that justice will be served on the killing of Mr. Larry Que and other victims of media killings.”
Ang reaksiyon ni Aguirre ay bunsod ng kanyang utos sa National Bureau of Investigation (NBI) na imbestigahan ang pagpatay kay Que, columnist at publisher sa isang pahayagan sa Catanduanes. Halos kasabay nito ang pagpaslang sa mga kapatid natin sa media na sina Virgilio Maganes, isang reporter mula sa Dagupan City; at Benito Flores Clamosa, dating radio commentator mula sa Tanza, Cavite. Wala pang ulat kung ang reaksiyon ng naturang opisyal ay nagkaroon na ng positibong aksiyon.
Bagamat paulit-ulit na lamang ang gayong pahayag na may kaakibat na pangako, natitiyak ko na ito ay ikatutuwa ng marami, lalo na kung iisipin na mula noong 1986, umaabot na sa 152 ang napapatay na miyembro ng media. Subalit nakapanlulumo na wala pa akong natatandaang nalutas na karumal-dumal na pagpatay.
Katunayan, dalawang reporter ng pahayagang ito na pinaslang noong dekada ‘90, ang patuloy pang nagbibiling-baligtad, wika nga, sa kanilang libingan dahil sa kawalang-katarungan. Bukod pa rito ang marami-rami ring miyembro ng National Press Club (NPC) na pinaslang na hanggang ngayon ay sumisigaw pa rin ng hustisya.
Bilang pangulo ng naturang organisasyon ng media, sinawaan ako sa pagdulog sa mga may kapangyarihan upang aksiyunan lamang ang mapait na kapalarang sinapit ng ating mga kapatid sa pamamahayag. Malimit na nagiging tugon sa paghingi natin: “We will order manhunt for the killers and bring them to the hand of justice.” Kasunod nito ang pagbuo ng iba’t ibang ‘task force’. Sobra sa salita, kulang sa gawa.
Ganito rin ang karaniwang reaksiyon na itinutugon sa atin ngayon. Katunayan, nilikha kamakalian ang isang presidential task force upang tutukan ang paglabag sa karapatan sa buhay, kalayaan at kaligtasan ng mga miyembro ng media. Binubuo ito ng mga Kalihim ng Department of Interior and Local Governments at Department of National Defense, Solicitor General, Executive Director ng Presidential Human Rights Committee, at ang mga hepe ng militar at pulisya.
Walang alinlangan na ang nasabing grupo ay isang ‘power house’.
Wala akong makitang dahilan upang hindi maaksiyunan ng mga awtoridad ang kahindik-hindik na pagpaslang sa mga mamamahayag. (Celo Lagmay)