INIHAYAG nitong Martes ng peace panel ng gobyerno ng Pilipinas sa usapang pangkapayapaan sa National Democratic Front-Communist Party of the Philippines-New People’s Army (NDF-CPP-NPA) na ang bansa ay “distressed and extremely disturbed” sa mga nakalipas na pag-atake ng NPA sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Sa huling pulong ng magkabilang panig sa Rome, Italy, noong nakaraang linggo, sinabi ni NDF panel Chairman Fidel Agcaoili na kinailangang magdesisyon ng mga pinuno ng armadong puwersa — ang NPA — kung patuloy na paiiralin ang unilateral ceasefire, batay sa sitwasyon sa lugar ng labanan.
Nitong Miyerkules, inihayag ng CCP Central Committee at ng NPA National Operations Command na tatapusin na nito ang kanilang unilateral ceasefire. Gayunman, ipagpapatuloy nila ang usapang pangkapayapaan. Magiging “talk and fight” ang negosasyon nila sa gobyerno.
Nairaos na ang dalawang pulong ng magkabilang peace panel sa Oslo, Norway, at isa pa sa Rome. Sinimulan na nilang pag-usapan ang tungkol sa reporma sa dalawang larangan—socio-economic at political-constitutional. Nagpahayag pa nga ng suporta ang NDF sa plano ng gobyerno na gawing federal ang sistema ng pamamahala sa bansa.
Ngunit mistulang hati ang magkabilang panig sa usapin ng pagpapalaya sa mga bilanggong pulitikal. Iginigiit ng NDF ang agarang pagpapalaya sa nasa 400 babae, may sakit at matatanda nilang kasamahan, ngunit ayaw itong pagbigyan ng gobyerno. Nariyan pa ang akusasyon ng NPA na inookupa ng mga sundalo ang mga eskuwelahan, day care center, at kabahayan sa pagpapanggap para sa isang community reach-out program sa may 500 barrio “na nasa teritoryo ng rebolusyonaryong gobyerno”.
Nagsimula ang administrasyong Duterte nang punumpuno ng pag-asa na maisasakatuparan na sa wakas ang kapayapaan sa mga rebeldeng Komunista, at inaasahan ni Pangulong Duterte na may magagawa ang malapit niyang ugnayan kay CPP Founding Chairman Jose Ma. Sison, dati niyang propesor sa kelohiyo sa Lyceum. Ang bagong kabanatang ito — ang kabiguan sa tigil-putukan — ay mauunawaang nakabahala sa peace panel ng gobyerno.
Ngunit patuloy tayong umaasa na masusumpungan din ang mga paraan upang maibalik ang dating pagkakaunawaan sa kani-kaniyang tigil-putukan na ipinatupad at magkakasundo sila sa iisang bilateral ceasefire agreement. Malayo pa ang lalakbayin bago magkaroon ng pinal na kasunduan, hindi lamang sa larangan ng tigil-putukan kung hindi maging sa mga reporma sa gobyerno, ngunit mahalagang magpatuloy sa pag-uusap ang magkabilang peace panel.
Ang susunod na pagpupulong ay itinakda sa Utrecht, The Netherlands, sa Pebrero 22-26. Ang anumang hindi pagkakaunawaan na nagbunsod ng kabiguan sa ceasefire ay dapat na ayusin, ito ang inaasahan natin, upang magkaroon ng panibagong pagsulong sa susunod na usapang pangkapayapaan sa Utrecht.