Walang dapat alalahanin ang mga Pilipino na nais bumiyahe o manirahan sa United States, dahil walang haharang sa kanila, sinabi ng US State Department kahapon.
Ito ang tiniyak ni US State Department Deputy Spokesman Mark Toner nang tanungin ng mga Pilipinong mamamahayag sa isang press conference sa Washington, DC.
“The Philippines was not among those countries that was labeled of concern so I would say that Philippines, Filipinos both in the United States and in Philippines themselves, should by all means, we welcome them to the United States,” ani Toner.
Binanggit niya ang malapit na relasyon ng US at Pilipinas. “We want to make this relationship even stronger,” aniya.
Nitong nakaraang linggo, nilagdaan ni US President Donald Trump ang executive order na humaharang sa pagpasok sa US ng mga mamamayan mula sa pitong bansa – Iran, Iraq, Libya, Somalia, Sudan, Syria at Yemen. (Tara Yap, PNA)