Muling bubuhayin, sa pamamagitan ng Presidential Task Force on Media Security ng gobyerno, ang mga kaso ng pagpatay sa mga miyembro ng media sa Pilipinas sa mga nakalipas na taon.

Sa panayam kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Jose Joel Sy Egco, sinabi niyang aabot sa 174 na kaso ang pag-uukulan nila ng pansin kapag tuluyan nang nabuo ang nasabing task force.

Tiniyak ng opisyal ang hustisya para sa mga mamamahayag na pinaslang, gayundin ang pagbibigay ng proteksiyon sa mga journalist na dumaranas ng karahasan at pananakot.

Si Justice Secretary Vitaliano Aguirre II ang magsisilbing chairman ng task force, habang co-chairman naman si PCO Secretary Martin Andanar.

National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!

Magiging kasapi rin ang ilang kalihim ng gabinete, kabilang sina Solicitor General Jose Calida, Philippine National Police (PNP) chief Director General Ronald dela Rosa, at iba pa.

Makikibahagi rin ang malalaking media organization, tulad ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) at Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas (KBP). (Beth Camia)