Nais ni Senator Grace Poe na bigyan ng 20 porsiyentong diskuwento at exemption sa value added tax (VAT) ang mga batang nasa 12-anyos pababa at ang pamilya ay kumita lamang ng P250,000 kada taon.
Sa Senate Bill No. 1295 o Junior Citizens Act of 2017 hindi rin papatawan ng VAT ang gamot, bakuna, at pangunahing panlunas ng mga bata.
Exempted din ang junior citizens sa VAT ng professional fee ng mga doktor sa pribado at pampublikong ospital, medical facilities, diagnostic at laboratory fees sa pribado at pampublikong ospital, outpatient sa home health care services; panonood ng sine, konsiyerto, parke, at funeral at burial services.
Awtomatiko rin silang magiging miyembro ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth).
“This proposed legislation would surely help every poor Filipino family’s financial constraints, raise their level of living and improve their quality of life,” ani Poe. (Leonel M. Abasola)