ZAMBOANGA CITY – Pitong miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) ang napaulat na napatay, lima ang nasugatan habang dalawang iba pa ang naaresto ng militar sa Luuk, Sulu, nitong Huwebes, iniulat kahapon ng Armed Forces of the Philippines-Western Mindanao Command (AFP-WestMinCom).

Ayon kay AFP-WestMinCom Spokesman Army Capt. Jo-Ann Petinglay, iniulat ng mga residente malapit sa Sitio Kanjawali sa Barangay Kan Bulak, Luuk, na nasa pitong miyembro ng ASG ang napatay at lima ang nasugatan, kabilang ang kapatid ng ASG sub-leader na si Alvin Yusop matapos ang serye ng paglalaban ng mga bandido at ng Ranger Battalion sa unang bahagi ng linggong ito.

Sinabi pa ni Petinglay na naaresto rin ng mga sundalo ng 32nd Infantry Battalion ang dalawang hinihinalang miyembro ng ASG, na nakumpiskahan ng dalawang baril at mga war materiel kasunod ng bakbakan sa mga bandido sa Sitio Kanjawali sa Bgy. Kan Bulak, Luuk, nitong Huwebes ng hapon.

Kabilang sa mga nasamsam ang isang M16A1 rifle na may limang magazine, isang .30 caliber BAR na may limang magazines, dalawang bandoleer, isang backpack ng mga dokumentong kapaki-pakinabang sa intelligence gathering at mga sira-sirang damit sa pakikipaglaban.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Dinala ng mga sundalo ang dalawang naarestong bandido sa Sulu Police Provincial Office para masampahan ng kaso matapos na makumpiskahan din ang mga ito ng mga granada.

GRANADA PINASABOG SA OSPITAL

Kasunod nito, hinihinalang mga miyembro rin ng ASG ang nagpasabog ng granada sa isang pampublikong ospital sa Lamitan City sa Basilan nitong Huwebes ng gabi.

Nangyari ang pagsabog bandang 8:00 ng gabi sa isang abandonadong gusali ng Lamitan City District Hospital sa kasagsagan ng brownout sa buong siyudad, ayon kay Lamitan City Police Office Director Chief Insp. Allan Benasing.

Ang pagsabog ay ikatlo na sa Lamitan City sa loob lamang ng isang linggo—naitala ang magkasunod na pagsabog sa Bgy. Malinis at sa Bgy. Maganda sa siyudad, bandang 10:30 ng gabi nitong Sabado.

Walang naiulat na nasugatan sa tatlong pagsabog, bagamat napinsala ang ilang bahagi ng gusali ng ospital dahil sa granada. (NONOY E. LACSON)