Napasakamay ng mga awtoridad ang apat na katao na pawa umanong holdaper nang matiyempuhan ng mga pulis sa Ermita, Maynila kamakalawa, gayundin ang dalawang indibiduwal na bagsakan umano nila ng mga nakukulimbat na gadget.
Kinilala ni Police Senior Insp. Salvador Inigo, Jr. ang mga naarestong suspek na sina Michael Estacio, 36; at Danilo Reynante Malabanan, Jr., 37, kapwa ng Block 11, Lot 46, Sunshine Ville, Barangay Cabuco, Trece Martires City, Cavite; Ronald Narciso, 36, ng 2149 Linao Street, Paco, Maynila; at Crisamer Dotimas, 42, ng Block 11, Lot 28, Hugo Perez Golden Horizon, Trece Martires City, Cavite habang ang mga pinagbabagsakan umano nila ng mga ninakaw ay sina Bernard Flores, 33; at Kristel Nabor, 33, kapwa residente ng 1979 G-Leveriza St., Pasay City.
Sa ulat ni Manila Police District (MPD)-Station 5 Commander Police Supt. Emerey Abating, dakong 5:00 ng madaling araw inaresto ang apat na suspek nang parahin ni Rosalie Rodriguez, 46, ang nagpapatrulyang sina PO2 Josue Ledesma, Jr., PO2 Ronaldo Javier at PO1 Jeremiah John Quiambao sa Pedro Gil St., kanto ng Taft Avenue sa Ermita.
Kaagad umanong itinuro ng biktima sa mga pulis ang mga suspek na noon ay naglalakad lamang sa naturang lugar.
Hindi naman nag-aksaya ng panahon ang mga pulis, isinakay ang biktima, at pinuntahan ang mga holdaper at kinorner.
Nang kapkapan ay nakuha ng mga pulis ang isang home made pistol, granada, homemade .22 magnum revolver at ang mga gamit ng mga pasahero kabilang na ang cell phone ni Rodriguez.
Sa interogasyon sa presinto, inginuso ng mga suspek sina Flores at Nabor.
Nahaharap sa kasong paglabag sa Anti-Fencing Law sina Nabor at Flores habang paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act at Anti Piracy and Anti-Highway Robbery Law of 1974 ang apat na holdaper.
(Mary Ann Santiago)