DEDEPENSAHAN ni World Boxing Council (WBC) International flyweight champion Ardin “The Jackal” Diale ng Pilipinas ang titulo kontra Briton Andrew “Superstar” Selby sa Linggo (Pebrero 5) sa Olympia sa Kensington, London, United Kingdom.

Ito ang unang depensa ni Diale na minsan nang lumaban sa world title bout, ngunit nabigo kay ex-WBO flyweight champion Julio Cesar Miranda noong 2011 sa Queretaro, Mexico.

Nasa London na si Diale para mag-adjust sa klima kasama ang kanyang manedyer na si Ryuta Kato, matchmaker Warren Eliot at trainer Jhun Agrabio.

“Kailangan naming masanay sa lamig dito kaya maaga kaming dumating,” sabi ni Agrabio sa Philboxing.com.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

May perpektong rekord si Selby na 7-0, tampok ang lima sa pamamagitan ng knockout at huli niyang tinalo ang Pinoy na si Jake Bornea na napatigil niya sa 7th round para matamo ang IBF Intercontinental flyweight title noong nakaraang Nobyembre 18 sa Wembley Arena sa Wembley, London.

Ang Diale-Selby 12-round title fight ay main supporting bout sa IBO super middleweight championship ng kampeong si Renold “Destroyer” Quinlan ng Australia at dating WBA middleweight titlist Chris Eubank Jr. ng United Kingdom.

(Gilbert Espeña)