NAIS ng pamahalaang panlalawigan ng Antique na magdagdag ng atraksiyon sa probinsiya na itatatag sa loob ng 20-ektaryang ari-arian ng University of Antique sa bayan ng San Remegio para gawing agri-tourism destination.

Sa kasalukuyan, hinihintay ng pamahalaang panlalawigan ang pag-apruba ng University of Antique Board of Regents sa panukala nitong magtatag ng zipline sa mataas na bahagi ng San Remegio.

Sa pamamagitan ng liham, ipinaabot na ni Governor Rhodora J. Cadiao ang kahilingan ng lalawigan kay University of Antique President Victor Navarra para sa proyekto, ayon kay Provincial Veterinarian Dr. Romeo Magdato.

Inaasahan ng probinsiya na magiging dagdag atraksiyon ang zipline sa Barangay Tubudan, kung saan matatagpuan ang Provincial Livestock Breeding and Production Center.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Hindi kabilang ang zipline sa memorandum of agreement kaugnay ng pagkakatatag ng Provincial Livestock Breeding and Production Center sa 20-ektaryang lupain ng unibersidad.

Naglaan ng P4-milyon pondo para sa proyekto at inaasahang mabubuksan sa publiko ang zipline bago sumapit ang Abril, na tamang-tama para sa Palarong Pambansa na pangangasiwaan ng probinsiya.

Umaasa ang pamahalaang panlalawigan na ang mga delegasyon ng atleta na nais magtungo sa mga tourism destination ng probinsiya ay magtutungo rin sa lugar.

Samantala, magsisibling venue ang Provincial Livestock Breeding and Production Center para sa breeding farm animals na ipamamahagi sa mga magsasaka ng Antique.

Layunin ng inisyatibo na matulungan ang mga magsasaka na mapabuti ang genetic population ng kanilang mga inaalagaang hayop.

Nagpapalahi ang Provincial Livestock Breeding and Production Center ng 18 Bulgarian Murrah buffalo, 15 American Brahman cattle, at 27 Anglo Nubian Cross goat. (PNA)