Sa pagkakabunyag kamakailan sa kurapsiyon at malalagim na gawain sa loob ng Philippine National Police (PNP), muling binigyang-diin ni Senador Francis “Chiz” Escudero kahapon ang kanyang pagtanggi na maibalik ang parusang kamatayan, dahil hindi aniya ito maaaring ipatupad sa gitna ng hindi maayos na patakbo sa sistema ng hustisya.
“I am against to Death Penalty Bill. I will interpellate, I will vote against it and as best as I can, try to convince my colleagues not to support it,” sabi ni Escudero sa lingguhang press conference sa Senado.
“For one simple reason, we’ve seen that our justice system is not perfect and we’ve seen and learned that death penalty is not a deterrent, in this case most of the victims are being killed in the streets and not even without the benefit of a trial or the court proceedings,” sabi ni Escudero.
Binanggit niya na ang Korte Suprema mismo ay nagsabi na batay sa kanilang estadistika, may pagkakamali sa humigit-kumulang 70 porsiyento sa death penalty convictions na sinuri nito.
“So it’s scary to think that that would be the basis for us to executive, where 7 out of 10 are wrongfully accused but were sentenced to death,” aniya.
Itinanggi rin niya ang mga ulat na isa siya sa mga sumusuporta sa death penalty. Ayon kay Senator Manny Pacquiao, isa sa masusugid na tagapagtaguyod ng death penalty measure sa Sebado, mahigit 10 senador ang sumusuporta sa bill.
“I think it’s a personal commitment, it’s a matter of talking, statistics and data. Kung ano man ‘yung commitment talaga nila deep down inside, I think that’s would they use in voting for this particular thing. It’s more of making that data available to them,” sabi ni Escudero.
Samantala, muling nanindigan si Manila Archbishop Luis Cardinal Tagle laban sa parusang kamatayan na isinusulong muli sa Kongreso, kasabay ng paghimok sa mga Katoliko na manawagan sa kanilang mga kinatawan sa Kongreso na tutulan ang naturang panukala.
Sinabi ni Tagle na marami nang pag-aaral sa mundo ang nagsasabing hindi nasusugpo ng parusang kamatayan ang mararahas na krimen dahil hindi naman nito nalulutas ang ugat ng kriminalidad.
Ang pinakamabisa aniyang paraan para matuldukan ang mga krimen ay tugunan sa positibo at kumprehensibong paraan ang mga ugat ng krimen gaya ng kawalan ng pagpapahalagang pangmoral, kawalan ng katarungan, kahirapan, kakulangan sa pagkain, edukasyon, trabaho at pabahay, at pamamayagpag ng droga at pornograpiya.
Para umano malutas ang ugat ng krimen, kailangang pangalagaan at pagtibayin ang Simbahan at ang pangunahing yunit ng lipunan, ang pamilya.
Nababahala rin ang Cardinal na ang parusang kamatayan ay naipapataw sa isang inosenteng tao at magiging katanggap-tanggap na ang karahasan bilang tugon sa bawat kasalanan. (Hannah L. Torregoza at Mary Ann Santiago)