Nananawagan ang Special Envoy for the Philippine Peace Process ng Royal Norwegian Government (RNG), ang official third party facilitator sa negosasyon ng Philippine Government (GRP) at National Democratic Front (NDF), sa lahat ng partido na protektahan ang peace talks dahil ito lamang ang natatanging daan upang maisulong ang pangmatagalang kapayapaan.

Sa pahayag na ipinadala sa The Manila Bulletin kahapon, pinanindigan ni Ambassador Elisabeth Slattum na sa kabila ng deklarasyon ng Communist Party of the Philippines (CPP) at ng New People’s Army (NPA) na pinuputol na nila ang anim na buwang unilateral ceasefire, nananatiling “committed” ang GRP at ang mga komunistang rebelde sa prosesong pangkapayapaan.

“Every peace process has its ups and downs,” aniya sa mensahe sa email mula sa Norway.

Ang mayamang bansa sa Scandinavia ang nagbabantay sa peace talks sa pagitan ng GRP at makakaliwang grupo, pinopondohan at inoorganisa ang pagdaraos ng mga negosasyon, gaya ng ginagawa nito sa iba pang panig ng mundo.

National

5.9-magnitude na lindol, yumanig sa Southern Leyte; Aftershocks at pinsala, asahan!

Binigyang-diin ni Slattum na ang tagumpay ng isang prosesong pangkapayapaan ay nakasalalay sa kakayahan at pangako ng mga partido na manatili sa negosasayon at huwag sumuko, sa kabila ng mga aberya.

“What is important now is to protect the peace talks, as it is the only way to move forward towards a just and lasting peace, for the benefit of all Filipino people,” ani Slattum.

Sa kabila ng pagbawi sa unilateral ceasefire, sinabi ni Slattum na inaasam pa rin niya ang pagsalubong sa magkabilang partido sa ikaapat na serye ng formal talks sa Oslo, Norway, sa unang linggo ng Abril. (Rocky Nazareno)