ITO na ang panahon upang muling masusing pag-aralan ang kampanya kontra ilegal na droga makalipas ang anim na buwan ng pagpapatupad nito sa buong bansa.
Mismong si Pangulong Duterte ang nag-utos sa Philippine National Police (PNP) na ipaubaya na ang kampanya sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) kasunod ng pagdukot ng isang grupo mula sa PNP sa isang negosyanteng South Korean at pagpatay dito sa loob mismo ng Camp Crame. Inatasan ang organisasyon ng pulisya na linisin muna sa mga tiwali ang hanay nito.
Nagpalabas din ang Korte Suprema ng Writ of Amparo na may Temporary Protection Order (TPO) para sa isang nakaligtas at sa mga kaanak ng apat na kataong pinaslang sa operasyong “Tokhang” ng PNP sa Payatas, Quezon City noong Agosto ng nakaraang taon. Inatasan ng Korte Suprema ang Court of Appeals na dinggin ang kaso at tanggapin ang mga ebidensiya sa petisyong naggigiit na pinatay ng mga pulis ang apat na lalaki sa “execution style”.
Sa nakalipas na anim na buwan, inilantad ng kampanya kontra droga ang malawakang problema ng pagkalulong sa droga sa bansa, na ilang opisyal ng gobyerno, kabilang ang maraming alkalde, ang sangkot sa pagbebenta ng droga. Sinalakay ng mga grupo mula sa PNP ang mga drug den sa iba’t ibang panig ng bansa, at umani ito ng suporta mula kay Pangulong Duterte.
Gayunman, dahil sa kaso ng negosyanteng South Korean na si Jee Ick-joo na dinukot at pinatay noong Oktubre ay nag-alangan ang Pangulo sa buong suporta na ibinibigay niya sa PNP. Mistulang mayroong isang grupo ng mga pulis na nagsasamantala sa kampanya kontra droga upang magsagawa ng sarili nitong kidnapping-for-ransom, at pinatay pa ang biktima sa loob mismo ng pambansang himpilan ng PNP sa Camp Crame. Ito ang nagbunsod upang ipatigil ni Pangulong Duterte ang mga operasyong “Tokhang” ng PNP, at ipag-utos ang lubusang paglilinis ng PNP sa mga tiwaling miyembro nito. Ang PDEA na ang magpapatupad ng kampanya, katuwang ang Sandatahang Lakas.
Ang desisyon ng Korte Suprema ay isang panibagong bahagi ng pagsusuri sa nasabing kampanya. Bubusisiin nito ang isa pang insidente nang isang grupo mula sa PNP ang umano’y sumalakay sa isang bahay sa Payatas, Quezon City, at pinatay ang apat na lalaki sa kahina-hinalang paraan. Sa takot na balikan sila ng mga pulis, sa korte na dumulog ang pamilya ng mga napatay.
Kasabay ng utos nitong ipaubaya sa PDEA ang pagpapatupad ng kampanya kontra droga, sinabi ni Pangulong Duterte na hindi na lamang basta anim na buwan ang nasabing kampanya, gaya ng sinabi niya noong nangangampanya pa siya sa panguluhan. Magpapatuloy na ito hanggang sa pagtatapos ng anim na taon niyang termino. Lubhang napakalawak ng problema kaya imposibleng matuldukan ito sa loob lamang ng anim na buwan. Dapat ay nakapawi ang direktibang ito sa matinding stress ng mga tagapagpatupad ng batas sa pagsasakatuparan ng isang nakalululang tungkulin sa limitadong panahon.
Ngayon ang pinakaakmang panahon upang pagnilay-nilayan at busisiin ang buong operasyon, tukuyin kung sa aling bahagi ito naabuso ng ilang tiwaling pulis, magpatupad ng kinakailangang pagtutuwid, at pagkatapos ay ipagpatuloy ang kampanya habang inirerespeto ang karapatan ng bawat tao, nang hindi nagkakaroon ng mga pag-abuso na maaaring matukoy sa malawakang programa ng administrasyon sa paglilinis at reporma sa pulisya.