Hinamon ng Malacañang ang Amnesty International na imbestigahan din ang diumano’y extrajudicial killings ng mga drug lord at iba pang kaaway ng estado sa halip na tumutok lamang sa mga diumano’y pang-aabuso ng gobyerno.

Sinabi ni Presidential Communications Secretary Martin Andanar na hindi patas ang human rights group na husgahan kaagad ang gobyerno, partikular na ang Philippine National Police (PNP) sa diumano’y pagkakasangkot sa mga pagpatay nang walang patas at malalimang imbestigasyon.

“Dapat siguro gawin din ng Amnesty International ay imbestigahan din nila iyong mga drug lord. Imbestigahan din nila iyong mga extra judicial killings na ginagawa ng mga kalaban din natin, mga drug lord, mga drug pusher, iyong mga negosyo talaga,” sabi ni Andanar sa isang panayam sa radyo.

Sa isang ulat, inakusahan ng London-based group ang gobyernong Duterte ng paglikha ng “economy of murder” na pinagkakakitaan ng mga pulis ang madugong kampanya kontra droga.

Metro

High-grade marijuana, <b>nasabat ng pulisya matapos i-deliver sa fast food resto</b>

Para kay Andanar, “very unfair” ang Amnesty sa paggigiit na hindi pinarurusahan ng gobyerno ang mga pumatay sa mga suspek sa droga. Idinagdag niya na walang pondo ang pulisya para mangontrata ng mga papatay sa mga sangkot sa droga.

Paglilinaw ni Andanar, ayos lang sa gobyerno na mag-imbestiga ang anumang organisasyon basta’t sila ay maging patas.

“Iyong hindi lang isang aspeto ng buhay ang kanilang inimbestigahan so therefore the investigation comes out as a very subjective investigation,” aniya.

IMBITAHAN SA SENADO

Pinag-iisipan ng mga senador na imbitahan ang Amnesty sa Senado upang magbigay ng karagdagang impormasyon sa mga iniulat nito.

Sinabi ni Senate Minority Leader Ralph Recto na nais niyang makakuha ng kopya ng report ng Amnesty dahil naalarma siya sa mga akusasyon ng international human rights watchdog.

“Should there be an investigation in the Senate, I supposed there should be,” ani Recto sa panayam ng mga mamamahayag.

Sinabi ni Sen. Francis “Chiz” Escudero, miyembro ng minority na napakaseryoso ng alegasyon ng Amnesty at dapat itong imbestigahan.

Iginiit din niya na marapat na mabigyan ng pagkakataon ang PNP na sagutin ang mga alegasyon ng Amnesty sa isang public hearing.

“It’s not appropriate for someone who comes from another place talk about something against our country. I want to know the truth and if that is true, I would side with them, if not then I suggest they put their brakes on,” ani Escudero. (GENALYN D. KABILING at HANNAH L. TORREGOZA)