BILANG pakikiisa sa pagsugpo ng pamahalaan sa pagkalat ng ilegal na droga sa bansa, bumuo ng medical detoxification package ang Philippine Health Insurance Corporation o PhilHealth para sa mga drug dependent na nagnanais na tumigil sa paggamit ng ipinagbabawal na gamot.
Nagkakahalaga ang nasabing pakete ng P10,000 alinsunod sa PhilHealth Circular No. 2016-0030. Bagamat nilinaw ng ahensiya na paunang ayuda pa lamang ito para sa pagpapagamot ng mga drug addict o drug dependent.
Ito ay para sa lahat ng miyembro na may acute physical symptoms sa paggamit ng bawal na gamot tulad ng methamphetamine, cocaine o ecstasy o anumang kombinasyon ng mga ito. Subalit maaari ring makakuha ng hiwalay na bayad mula sa PhilHealth sa ilalim ng All Case Rate ang mga miyembro na nakakuha pa ng ibang sakit sanhi ng drug addiction, tulad ng atake sa puso, stroke, sakit sa bato, at iba pa.
Ayon kay Ramon F. Aristoza, pangulo at punong-tagapagpatupad ng Philhealth, “Ang medical detoxification package ay para sa lahat ng miyembro at kuwalipikadong dependents ng PhilHealth at ito ay one-time benefit package.”
“Ang mandato ng PhilHealth ay ma-cover ang bawat Pilipino anumang edad o saan mang lugar sila naroroon at suportahan ang ating gobyerno sa laban nito hinggil sa ilegal na droga. Kaisa rin ang PhilHealth ng pamahalaan sa pagkakamit ng pangmatagalang solusyon sa pagsugpo ng ilegal na droga,” ayon kay Aristoza.
Dagdag pa ni Aristoza, “Sa medical detoxification package, sinisigurado ng PhilHealth na makapagkakaloob ito ng dekalidad na serbisyong medikal para sa acute physical symptoms na maaaring maranasan ng mga drug addict sa panahon ng withdrawal phase ng pagdedetoxify.”
Ang package na ito ay maaaring makamit sa mga accredited Levels 1, 2, 3 na pampublikong ospital o kaya naman sa mga pribadong Drug Abuse Treatment and Rehabilitation Centers (DATRC) na lisensyado o sertipikado ng Kagawaran ng Kalusugan (DoH) at accredited ng PhilHealth.