MONCADA, Tarlac – Matapos pagnakawan ang isang guro ay naisip naman ng tatlong binatilyong suspek na ipatubos ang mga kinulimbat para maibalik ang mga ito sa biktima sa Moncada, Tarlac.
Ayon kay Dakila Agabin, 37, walang asawa, Teacher II ng Moncada National High School, at residente ng Barangay Poblacion Center, Ramos, nilooban ang eskuwelahan at natangay sa kanya ang dalawang supot na kinalalagyan ng mahahalaga niyang ID at ilang dokumento, make-up kit at iba pang personal na gamit.
Sinabi ni Agabin na nag-text sa kanya nitong Martes ang isang 17-anyos na lalaki, ng Bgy. Camposanto at humihingi ng kabayaran kapalit ng pagbabalik sa kanyang mga gamit.
Kasabwat umano ng 17-anyos sa extortion ang dalawa pang binatilyo, edad 15 at 16, na pawang naaresto at dinala sa Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO). (Leandro Alborote)