Nilinaw kahapon ni Labor Secretary Silvestre H. Bello III na isang boluntaryong kasunduan sa pagitan ng employer at ng empleyado ang “right to disconnect” sa matapos ang oras ng trabaho at hindi bibigyan ng disciplinary action.
“Ang pagsagot o hindi pagpansin sa texts o emails mula sa kanyang employer matapos ang oras ng pagtatrabaho ay boluntaryong kasunduan sa empleyado at wala silang obligasyon na sumagot o hindi,” ani Bello.
Inihain ni Quezon City Rep. Winston Castelo ang House Bill 4721 na naglalayong amyendahan ang Labor Code of the Philippines. Inaasatan nito ang employer na magtakda ng oras kung kailan ang empleyado ay hindi obligadong sumagot sa anumang e-mail, text o tawag na may kinalaman sa trabaho, at ang mga kondisyon at exemption alinsunod sa patakaran ng DOLE.
“Alam ng empleyado at employer na may oras para sa komunikasyon at may oras din na hindi dapat ito sagutin. Nasa empleyado kung nanaisin nitong magtrabaho kahit tapos na ang oras ng pagtatrabaho,” ani Bello. (Mina Navarro)