Sinabi ng isang London-based international human rights group na ang war on drugs sa Pilipinas ay nabahiran ng mga paglabag ng mga mismong nagpapatupad ng batas sa sistematikong pagpatay sa mga mahihirap at walang kalaban-labang.

Iniulat ng Amnesty International na sa basbas ng matataas na opisyal ng pamahalaan, nakagawa ang pulisya ng mga krimen laban sa sangkatauhan.

“The police are behaving like the criminal underworld that they are supposed to be enforcing the law against, by carrying out extrajudicial executions disguised as unknown killers and ‘contracting out’ killings,” sabi ni Tirana Hassan, Crisis Response Director ng Amnesty International, sa press conference sa Quezon City.

“This is not a war on drugs, but a war on the poor. Often on the flimsiest of evidence, people accused of using or selling drugs are being killed for cash in an economy of murder,” aniya.

Nabunyag sa ulat ng Amnesty na ilang pulis ang binabayaran ng mga funeral parlor sa pagdadala ng bangkay sa kanila.

Siwalat ni Sen. Imee: 'May sakit si Bongbong!'

Ninanakawan din ng ilang pulis ang bahay ng mga biktima, at nagbabayad ng hired killers.

”Incited by the rhetoric of President Rodrigo Duterte, the police, paid killers on their payroll, and unknown armed individuals have slain more than a thousand people a month under the guise of a national campaign to eradicate drugs,’’ saad sa ulat.

Idinokumento ng imbestigasyon ng Amnesty ang 33 kaso na kinasasangkutan ng pagpatay sa 59 katao.

Ayon kay Hassan, ang mga parehong kalye na ipinangako ni Pangulong Rodrigo Duterte na lilinisin sa krimen ay puno ngayon ng mga bangkay ng mga taong illegal na pinatay ng kanyang mga sariling pulis.

“What is happening in the Philippines is a crisis the entire world should be alarmed by,” ani Hassan.

Itinanggi ng gobyerno ang pagsusuporta sa extra judicial killings, o pakikipagsabwatan ng mga pulis sa mga assassin.

Isinagawa ng Amnesty ang imbestigasyon noong Nobyembre hanggang Disyembre at ibinatay sa panayam sa 110 katao.

Sa huling datos ng pulisya, 7,669 katao na ang napatay sa kampanya kontra droga sa nakalipas na pitong buwan, 2,555 dito ang nasawi sa police operations, na ayon sa pulisya ay dahil sa self-defense. (Chito A. Chavez, Reuters)