Isa na namang overseas Filipino worker sa Kuwait ang nasadlak sa malagim na trahedya matapos mamatay sa bugbog ng kanyang mga amo.

Inatasan na ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang Philippine Embassy sa Kuwait na makipagkoordinasyon sa pulisya kaugnay sa pagkamatay ni Amy Capulong Santiago, tubong Concepcion, Tarlac, at nagtatrabaho bilang household service worker (HSW). Namatay siya habang ginagamot sa Farwaniya Hospital noong Enero 25, 2017 dahil sa matitinding pasa sa likod.

“Our Embassy is working closely with Kuwaiti Police in investigation and eventual prosecution of suspect,” sabi ni DFA spokesman at Assistant Secretary Charles Jose sa isang text message.

Sa ulat ng Assistance to Nationals Unit (ATNU) ng Philippine Embassy sa Kuwait, nakatala sa Directorate General of Criminal Evidence ng Abdullah Al Mubarak Police na may bakas ng luma at sariwang pasa sa iba’t ibang bahagi ng katawan ni Santiago, karamihan ay sa likod. Dinala ang kanyang bangkay sa Forensic Department noong Enero 26 para matukoy sa karagdagang imbestigasyon.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Inaresto na ng mga pulis ang lalaking employer ni Santiago habang sumuko ang asawa nito sa istasyon ng pulisya. Kapwa sila nakadetine habang nagpapatuloy ang imbestigasyon ng awtoridad kung mayroong foul play sa pagkamatay ng kasambahay.

Inatasan ni Department of Labor and Employment (DoLE) Secretary Silvester Bello III si Labor Attaché Angelita Narvaez na mahigpit na bantayan ang kaso ni Santiago.

Inutusan din niya ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na i- release ang P200,000 death insurance at P20,000 burial assistance sa pamilya ni Santiago.

Tatanggap din ang mga dependent ni Santiago ng educational benefits at livelihood assistance mula sa OWWA. Sasagutin din ng ahensiya ang gastusin sa pagpapauwi sa bangka ng OFW. (BELLA GAMOTEA at MINA NAVARRO)