MALIBAN kung pakitang-tao lamang, wala sa panahon at hindi dapat lansagin ang Oplan Tokhang. Naniniwala ako na ito ay isang epektibong paraan laban sa kasumpa-sumpang pagkasugapa sa ilegal na droga. Malayo na ang narating ng naturang maigting na kampanya upang mailigtas ang ating bansa sa pagiging isang narco-state.

Sa direktiba ni Pangulong Duterte, tahasang binuwag ni PNP Director General Ronald “Bato” dela Rosa ang Oplan Tokhang upang bigyang-daan ang paglipol sa mga bugok na pulis na naging pabigat at sumira sa nasabing kampanya laban sa illegal drugs; mga alagad ng batas na nagpasimuno at utak ng karumal-dumal na pagpaslang ng mga hinihinalang mga lulong sa bawal na gamot. Nilansag din ang iba pang operasyon sa illegal drugs at kriminalidad.

Sino nga naman ang hindi manggagalaiti sa kakila-kilabot na pagpatay sa isang negosyanteng Koreano na kagagawan umano ng ilang pulis sa loob mismo ng Camp Crame? Sa loob pa naman ng kampo ng mga alagad ng batas na dapat ay nangangalaga sa kaligtasan ng sambayanan. Pinagsamantalahan na nila ang Oplan Tokhang, naging utak pa sila ng “Tokhang for Ransom” na karaniwang nagiging biktima ang mga dayuhan.

Naniniwala ako na marapat sibakin sa PNP ang mga tiwaling tauhan nito. Maaaring makasarili ang aking pananaw sa isyung ito bilang isa na ring naging biktima ng kabuktutan at kawalang silbi ng ilang alagad ng batas.

Night Owl

Kailangan mong bumoto

Nabuo ang mga alegasyon na ang mga nagnakaw na aking kotse, may ilang taon na ang nakararaan, ay kasabwat ng mga pulis. Ang naturang sasakyan na ipinagkaloob ng pinaglilingkuran kong pahayagan ay hindi na nakita sa kabila ng pagmamalasakit ng matataas na opisyal ng PNP.

Noon pa man ay talamak na ang matinding katiwalian sa hanay ng mga pulis na nagiging dahilan naman upang madamay ang higit na nakararaming matinong alagad ng batas. Ang tiwaling mga pulis ay hindi lamang dapat sibakin; dapat silang kasuhan at papanagutin sa paglabag sa batas.

Gayunman, hindi ako kumbinsido na lansagin ang nabanggit na operasyon. Dapat lamang tiyakin ng liderato ng PNP na maiwasan ang walang pakundangang pagpatay ng mga pinaghihinalaang sangkot sa droga sa hinalang ang mga ito ay nanlalaban; na pati ang mga walang kamalay-malay ay nadadamay.

Totoong naglipana pa rin ang mga ayaw pasaway sa pagkalulong sa shabu at iba pang nakabuburyong na gamot. At patago pa rin ang operasyon ng mga pusher at drug lords na utak ng pagpapakilos ng mga drug laboratory sa iba’t ibang panig ng bansa. Sapat nang dahilan ito upang lalong paigtingin ang operasyon ng Oplan Tokhang. Ang pagbuwag dito ay mangangahulugan ng pagsuko ng administrasyon sa illegal drugs. (Celo Lagmay)