Sinampahan na ng kasong kriminal ang 13 executive at organizer ng Close Up Forever Summer concert na idinaos noong nakaraang taon na ikinamatay ng limang katao, kabilang ang isang dayuhan.
Kabilang sa mga sinampahan ng kaso sina Rohit Jawa, chairman at CEO ng Unilever Philipines; Jesus Canlapan, manager para sa Workplace Services and Facility Security; Albert Curnelius Trinidad, marketing director ng Close Up; Joy Dalanon-Ocampo, country manager para sa Safety Health and Environment (SHE); Melissa Alcayaga, procurement manager; Bea Lagdameo, Close Up assistant brand manager; Anna Kristina Doctolero, project manager; Baby Majalia Ahamadul, senior account manager para sa Activations Advertising Inc.; Reginald Soriano; Eduardo Muego; John Paul Demontaño at Alexis Engelberto Aragon.
Ayon kay Atty. Ariel Radovan, lead counsel ng pamilya ng mga biktima, kailangang managot sa batas ang mga nabanggit na pangalan lalo na’t lumabas sa imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) na sa loob mismo ng concert grounds sa Mall of Asia (MOA) Arena gumamit ng droga ang mga biktima bago naganap ang insidente.
Sinabi ni Radovan na kailangang magpaliwanag ng mga organizer kung bakit naging maluwag ang seguridad sa event kaya nakapasok ang droga sa loob ng concert grounds. (Beth Camia)