BASE sa 270 pahinang pag-aaral ng Department of Agrarian Reform (DAR) na pinondohan ng German Technical Cooperation (GTZ) na ang pamagat ay, “The Comprehensive Agrarian Reform Program: Scenarios and Options for Future Development” ay malinaw na kapus ang Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) sa realidad ng umiinog na pangmundong kilusan.
Ang DAR-GTZ Report na inihanda ng mga opisyales ng Kagawaran at mga eksperto ng Alemanya ay nagsasaad na: 1) Philippine agriculture is in a “state of distress”; 2) Sa 18 taon ng CARP at 14 na taon nang ‘Operation Land Transfer’ (Presidential Decree 27), palpak ang agrarian reform upang magpagbunga ng kapansin-pansing pagbabago sa estado ng kahirapan sa kanayunan; 3) Kahit pa gumastos ng mahigit P200 bilyon para sa CARP, kulang pa rin ang gugugulin; 4) Ang implementasyon ng CARP ay sinaniban ng maling prayoridad at paggamit ng limitadong pondo; 5) Ang record ng pagbayad sa CARP ng mga benepisyaryo nito ay 18% lang; 6) Ang globalisasyon ay nagkaroon ng negatibong epekto sa ekonomiya ng agrikultura, halimbawa ang “liberalisasyon ng kalakal”, tumataas na presyo ng pataba, langis, atbp. na seryosong nakaapekto sa agrikultura ng Pilipinas; 7) Imbes na maging ‘agricultural exporter’ ang Pilipinas, ito ay naging ‘agricultural importer’, kung susumahin ang kita sa mga kalakal sa agrikultura simula nang ipatupad ang CARP.
Base sa aklat na isinulat nina Atty. Ed Hernandez, Gil Marie Alba, Adriano Montinola Hernandez na (Landowner’s Rights), mukhang ang DAR ay naghuhugas-kamay at naghahanap ng palusot upang palawigin pa ang CARP dahil daw sa nabanggit na “trade liberalization, kakulangan ng pondong ginugugol, kakulangan ng panahon atbp.”.
Imbes na magturo at mandamay sa negatibong epekto ng CARP, bakit hindi tutukan ang mismong programa at gisahin kung bakit talagang hindi na mainam at umusad ito? Baka programa na mismo ang sintunado sa panahon.
Ayon pa sa 3 may-akdang abogado, bakit nakikialam ang mga dayuhan sa CARP? Tuloy para raw tayong nagsisimula sa kindergarten sa larangan ng agrikultura, kumpara noong higante tayong maituturing sa sektor ng agrikultura bago pa isinubo ang CARP. Sa pakiwari ko, gusto ng mga dayuhan na hindi maging industriyalisadong bansa ang Pilipinas!
(Erik Espina)