TILA iisang pamilyang tumutok ang buong sambayanang Pilipino sa live telecast ng 65th Miss Universe pageant na special coverage ng ABS-CBN nitong Lunes.

Mas pinanood ang ‘most beautiful day in the universe’ sa Kapamilya Network na pumalo sa national TV rating na 27.4% o sampung puntos ang lamang sa telecast ng GMA na nagtala naman ng 17% base sa national urban at rural TV ratings ng Kantar Media.

Maging ang mga taga-Mega Manila at Metro Manila ay mas tumutok sa laban ni Miss Universe-Philippines Maxine Medina sa ABS-CBN. Nakapagtala ang ABS-CBN ng TV rating na 28.2% vs 23.7% ng GMA sa Mega Manila, at pumalo naman ito ng 30.8% kontra 19.4% ng kalaban sa Metro Manila.

Pagkatapos ng pagpuputong ng korona sa pinakabagong Miss Universe na si Iris Mittenaere ng France ay agad na nagbigay ng recap at updates si Gretchen Fullido mula sa SM Mall of Asia Arena sa programang News Patrol. Tuloy ang pagtutok dito ng pageant fans, kaya nagtala ang programa ng national TV rating na 20.2% kumpara sa katapat na may 17.2%.

Tsika at Intriga

Olats sa politika: Luis, nagtanong alin sa shows niya trip ibalik ng netizens

Sinundan pa ito ng live coverage naman ni Dyan Castillejo sa unang press conference ng bagong Miss U na napanood sa DZMM TeleRadyo.

Nang i-announce na gaganapin ang Miss Universe sa bansa ay nakaantabay na ang ABS-CBN para ihatid sa mga Pilipino, na kilala bilang best pageant fans sa mundo, ang pinakakomprehensibong coverage sa kumpetisyon.

Bukod sa regular na features sa TV Patrol at Bandila, isang microsite din ang ginawa ng news.abs-cbn.com para mas masundan ng fans ang lahat ng pageant activities kabilang ang mga paghahandang ginagawa ni Maxine, at para lalo pang makilala ang lahat ng 86 na kandidata ng Miss Universe.

Makasaysayan ang 65th Miss Universe, ang italong pagdaraos nito sa Pilipinas. Kaisa ng ABS-CBN ang LCS Group, Solar Entertainment, at Miss Universe Organization bilang network partner para maihatid sa mas maraming manood ang ginanap na beauty pageant.

ABS-CBN na ang naging tahanan ng Miss Universe sa Philippine television simula pa noong 2010, nang muling nakapasok sa top 5 ang bansa sa pamamagitan ni Venus Raj. Sa Kapamilya Network din napanood ng publiko ang laban ng iba pang kinoronahang Miss Universe-Philippines na sina Shamcey Supsup-Lee, Janine Tugonon, Ariella Arida, Mary Jean Lastimosa, at maging si Miss Universe 2015 Pia Alonzo Wurtzbach.

Mapapanood ang replay ng 65th Miss Universe pageant ngayong Linggo (Pebrero 5) pagkatapos ng Gandang Gabi Vice sa Sunday’s Best.