ILANG taon nang nali-link sa isa’t isa sina Julia Montes at Coco Martin. Sa katunayan, maraming beses na rin naman nilang inaamin na close sila, bilang magkaibigan.
Kaya ang diretsahang tanong namin, na ikinatawa ng dalaga, kailan sila aamin na ‘sila na’?
“Ayaw po namin i-push ‘yung friendship namin. Malalim po talaga ‘yung friendship namin. For sure, nasagot naman na niya na ganito.”
Ni-refresh namin kay Julia ang sinabi ni Coco na in five years (pagtuntong nito sa 40 anyos) ay gusto na nitong magkaroon ng pamilya. In five years ba ay handa na si Julia?
Natawang sagot ng dalaga, paano mangyayari iyon kung hindi naman ‘sila’ ni Coco?
“Personal ko po itong opinyon. Ako po ‘yung tao na ma-family oriented ako. Pangarap kong magkaroon ng pamilya, maayos na pamilya, so ayokong mag-risk na pumasok dahil gusto ko lang magkaroon ng boyfriend o gusto kong magkaroon ng partner sa buhay. Gusto ko ‘pag papasok ako, seryoso ako at ipaglalaban ko iyon hanggang dulo,” klarong paliwanag ng dalaga.
At dahil sinabi ni Julia na wala talaga siyang boyfriend ngayon, tinanong namin kung sino ang huli niyang nakarelasyon. Diretso naman niyang sinagot na, “Si Enchong (Dee) po ang first boyfriend ko at last pa, isang suntok sa buwang desisyon ko sa buhay kasi bata pa po ako noon. Kaya ayaw ko pong pumasok sa isang bagay na hindi ko kaya.”
Natawa nga si Julia, Bossing DMB dahil hindi alam ng handler niyang si Mac na naging boyfriend niya si Enchong at binanggit namin na nahuli namin silang nagdi-date noon sa Belissimo Restaurant.
“Ha-ha-ha, oo, Kuya (Mac), sabi kasi ni Diego (Loyzaga), doon daw kami kasi safe roon walang masyadong tao, ha-ha-ha, nandoon pala siya (kami),” tumawang sabi ng dalaga.
Inamin ni Julia na napakabata pa niya nang maging girlfriend siya ni Enchong na bagets pa rin noon, kaya siguro lagi silang may pinagtatalunan.
“Kasi po bale first boyfriend ko, so hindi ko pa alam paano mag-handle, kaya hayun, naghiwalay kami,” pag-amin ng aktres.
Hindi raw matatawag na first love pero minahal naman daw niya noon si Enchong at umabot sa mahigit isang taon ang relasyon nila.
Inamin din namin na nainis kami kay Julia that time dahil sinaktan niya si Enchong, e, love namin ang aktor at nagsumbong na sinaktan nga raw siya ng aktres.
“Siguro po, bata pa kasi kami that time o ako,” katwiran ulit ng dalaga.
Ang ganda raw ng relasyon ngayon nina Julia at Enchong dahil naging magkaibigan sila.
(Editor’s note: Bukas, prangkahang interview pa rin – lalo na kung bakit napabalitang nag-break sila ni Coco.)
(REGGEE BONOAN)