FREELANCE artist na ang status ni Jasmine Curtis-Smith simula nang mag-expire ang kontrata niya sa TV5 noong November 2016.
Naging “loyalista” si Jasmine sa Kapatid Network nitong mga nagdaang taon, at kahit nagpalit ng management o presidente ang istasyon ay pumirma pa rin siya ng exclusive contract sa kanila.
Naramdaman naman kasi ni Jasmine at ng kanyang management ang magandang pag-aalaga sa kanya ng TV5.
Pero na-disolve ang entertainment department ng Singko noong kalagitnaan ng 2015 kaya naglilipatan sa ibang networks ang contract artists nila, maliban kina Jasmine at Derek Ramsay.
Si Chot Reyes na ang bagong TV5 president nang mag-early retirement ang si Noel Lorenzana.
Mabilis kumalat sa social media na magiging Kapuso na si Jasmine. Ang sabi-sabi pa, papasok siya sa Encantadia. Pero pinabulaanan ito ng kanyang manager na si Betchay Vidanes.
“Hindi po,” paglilinaw ni Betchay sa ipinadala naming tanong via personal message sa Facebook.
Si Betchay rin ang manager ng kontrobersiyal na si Kylie Padilla, na three months pregnant – at engaged na kay Aljur Abrenica, ang ama ng ipinagbubuntis nito.
Kumalat din ang isyu na nag-last day taping na si Kylie at “pinatay” ang character niya sa Encantadia, kaya may nag-speculate na ang isa pang alaga ni Betchay ang papalit.
Tananong din namin si Betchay kung may ibang offers ba ang GMA-7 – o maging ang ABS-CBN -- kay Jasmine, pero wala pa siyang sagot as we go to press.
Si Jasmine ang hinirang na Best Actress sa Cinema One Originals 2016, ang indie film festival ng Kapamilya Network, para sa kanyang tomboy role sa pelikulang Baka Bukas, na ipinalabas last November. (MELL NAVARRO)