NAG-AUDITION pala si James Wright para sa role na leading man ni Jennylyn Mercado sa Pinoy version ng koreanovelang My Love From The Star pero hindi siya nakapasa.
“Hindi po ako mukhang Koreano,” nakangiting sagot ni James, na sumali three years ago sa talent search na Anak Ko ‘Yan. “Siguro po, hindi naman ako talaga muna sa acting, dahil isa nga akong singer. Iyon na muna ang focus ko ngayon.”
Hindi man nanalo noon, si James naman ang nabigyan ng pagkakataon ng GMA Records dahil pinapirma siya ng nito ng kontrata. Ang biggest break niya ay nang siya ang pakantahin ng theme song ng drama series na Carmela ni Marian Rivera, ang Sana’y Ikaw na naging laman ng kanyang self-titled debut album.
Ang song na ito ay dedicated ni James sa kanyang cancer survivor mom na si Gina na mas inuna ang kapakanan nila ng sister niyang si Vanessa kaysa ang alagaan ang sarili. Naka-gold record ang album ni James na ang isa pang single, ang Kung Hindi Ikaw ay ginamit naman sa soap na My Destiny nina Tom Rodriguez at Carla Abellana.
Siya rin ang pinakanta ng theme song ng My Love From The Star, ang My Destiny na laman naman ng kanyang second album na Just Wright. May anim na cuts ang kanyang bagong album, ang Ibig Bang Sabihin, Please Come Back, Open Up, Lahat ng Aking Pag-ibig, Mahal Na Nga Kita at ang My Destiny.
Pero open pa rin si James na maging bahagi ng isang series sa GMA kaya kapag may audition at pinapunta siya, join naman siya. Hindi rin siya nakuha nang mag-audition siya para sa Meant To Be, bilang isa sa leading man ni Barbie Forteza, pero okey lang sa kanya. Sumasali na rin siya sa workshops.
“I appreciate naman kung ano ang inuutos sa akin ng management, I trust in their judgment dahil matagal na sila in the business at kung hindi ako makapasa, I believe that in right timing kaya hindi sumasama ang loob ko.”
Australian-Filipino si James at younger sister niya si Vanessa Wright na naging runner-up sa katatapos na Miss World Philippines beauty pageant. Loveless siya ngayon at ang last girlfriend niya three years ago ay non-showbiz. Ayaw daw muna niyang pag-isipan ang love life niya. (NORA CALDERON)