BINIGYANG-DIIN ng Office of the Provincial Agriculturist ang pangangailangang tulungan ng mga lokal na pamahalaan sa Negros Occidental sa mga nagtatanim ng saging upang mapataas ang kanilang produksiyon.
Inihayag ni Marjoe Balinas, provincial commodity coordinator ng Office of the Provincial Agriculturist, sa isang ulat noong Martes na walang access ang mga magsasaging sa probinsiya sa mga teknolohiya. Kabilang dito ang pagpili ng tamang uri, paraan ng pagtatanim at mga intervention sa teknolohiya.
Sinabi ni Balinas na dapat tulungan ng mga lokal na pamahalaan ang mga magsasaging sa kani-kanilang lugar sa pag-update ng kanilang teknolohiya at paglalaan ng mga pagsasanay.
Dagdag pa niya na ang mga lokal na pamahalaan, bilang pangunahing tagapagpatupad, ay dapat ding gumagamit ng pondo para maisaayos at mapabuti ang produksiyon ng mga magsasaka nito.
Ibinahagi rin ni Balinas na maaaring magtanong ang mga magsasaka sa mga City and Municipal Agriculture Office kung paano iaakma ang kanilang pangangailangan sa mga panukala ng bawat lokal na pamahalaan sa mga pamahalaang panlalawigan at sa Department of Agriculture.
Sa kasalukuyan, walang plantasyon ng saging sa Negros Occidental, tanging produksiyon lamang na nasa bakuran.
Ayon sa ulat ng Philippine Statistics Authority sa Negros Occidental, mula sa 85,356 na metriko tonelada noong 2015, bumaba sa 84,188 metriko tonelada ang produksiyon ng saging ng probinsiya noong nakaraang taon.
Ipinakita rin ng datos na noong 2016, nagkaroon ng produksiyon ang Negros Occidental na 23,328.61 metrikong tonelada ng bungulan variety; 3,646.99 metrikong tonelada ng lacatan; 10,630.45 metriko tonelada ng latundan; 43,516 metriko tonelada ng saba; at 3,064.44 metriko tonelada ng iba pang uri ng saging.
Mas mababa ito kumpara noong 2015 sa 23, 650.46 na metriko tonelada ng bungulan; lacatan, 3,669.68 metriko tonelada; latundan, 10,735.78 metriko tonelada; saba, 44,130.44 na metriko tonelada; at iba pang uri na nasa 3,169.79 na metriko tonelada. (PNA)