TATANGKAIN ni dating Philippine super flyweight champion Marco Demecillo na makapasok sa world ranking sa pagkasa kay WBA No. 10 super bantamweight Jason “The Smooth One” Moloney sa Biyernes sa Adelaide Oval, North Adelaide, South Australia.
Kilalang knockout artist si Moloney na nagsanay sa ALA Gym sa Cebu City at naka-spar si one-time world title challenger Arthur Villanueva na tumalo kay Demecillo sa puntos para sa OPBF super flyweight title noong 2013 ngunit, bentahe ng Pinoy boxer ang karanasan sa paglaban world rated boxers ng Mexico, Australia at Russia.
Ipinagmamalaki ni Moloney ang perpektong rekord na 11-0 panalo, tampok ang 10 sa pamamagitan ng knockout at kabilang sa mga tinalo niya ang mga Pilipinong si Alvin Bais, Danilo Gabisay, Marquil Salvana, Virden Rivera, Gerpaul Rivera at ang nag-iisang hindi niya napatulog na si dating WBC Eurasia Pacific Boxing Council bantamweight champion Jeffrey Francisco.
Kasalukuyang hawak ni Moloney ang WBA Oceania super bantamweight title, subalit hindi niya ito itataya kay Demecillo na may kartadang 22-6-1, tampok ang 17 na knockout.
Umaasa si Moloney na patutulugin si Demecillo para umangat sa world ranking at magkaroon ng pagkakataong hamunin si WBA super bantamweight champion Guillermo Rigondeaux ng Cuba na sumikat nang agawan ng korona ang Pilipinong si Nonito “The Filipino Flash” Donaire Jr.
Sa iba pang laban, kakasa ang kakambal ni Moloney na si WBA No. 11 bantamweight Andrew “The Golden One” Moloney laban sa Pilipino ring si Renoel Pael sa isa pang 10-round bout. (Gilbert Espeña)