Posibleng paghihiganti ang motibo sa pambobomba sa bahay ni San Jorge, Samar Mayor Joseph Grey, na ikinasugat ng dalawang katao, kabilang ang isang pulis, iniulat ng pulisya kahapon.
Batay sa report ng San Jorge Municipal Police, kinilala ang mga nasugatan na sina PO1 Artemio Rebato at Jimmy Mariquit, kapwa security aide ni Grey.
Sinabi ni Supt. Jenny Sumpo, tagapagsalita ng Samar Police Provincial Office (SPPO), na dalawang beses nangyari ang pagsabog sa bahay ng alkalde sa Barangay Mancol.
Kaagad na nakaresponde ang mga pulis sa unang pagsabog sa bahay ng alkalde ngunit makalipas ang ilang minuto ay pinasabugan naman ang bahay ni Vice Mayor Nancy Grey sa Bgy. Aurora.
May hinala ang pulisya na posibleng pagganti ang motibo sa pambobomba, makaraang maging suspek ang alkalde sa pamamaril nitong Enero 28 sa dating mayoralty candidate na si Lester Bisnar sa Bgy. La Paz, San Jorge. (Fer Taboy)