NAUWI sa wala ang pinaghirapan ng Adamson University Baby Falcons nang bawiin ang lahat nang panalong napagwagihan sa elimination matapos ideklarang ‘ineligible’ si MVP candidate Encho Serrano.
Laban sa University of Santo Tomas Cubs, ibinunton ng Baby Falcons ang ngitngit sa itinarak na 92-58 panalo kahapon sa UAAP Season 79 juniors basketball tournament sa San Juan Arena.
Labis ang pagkadismaya ng Baby Falcons makaraang matanggap ang masamang balita kung saan binawi ang 11-0 karta na naitala nila dahil sa kabiguan ng eskwelahan na maisumite ang mga dokumento ni Serrano.
Bunsod nito, laglag sa championship round ang Adamson.
Nagposte si Gerry Abadiano ng 27 puntos upang ipakitang kaya nilang manalo kahit wala si Serrano. Nawala sa kontensiyon sa Final Four matapos mabaligtad ang kanilang record, susubukan ng Baby Falcons na tapusin ang kanilang kampanya sa pamamagitan ng panalo.
Kahit natalo, posible pang makahabol sa huling Final Four berth ang Tiger Cubs na may barahang 5-8 kung matatalo and De La Salle Zobel sa huli nitong laban. (Marivic Awitan)