Napatay ang limang kasapi ng Abu Sayyaf Group (ASG) habang pitong iba pa ang nasugatan sa magkahiwalay na operasyon ng militar sa Panamao, Sulu, iniulat kahapon.
Ayon kay Major Gen. Carlito Galvez, commander ng Western Mindanao Command (WestMinCom), nangyari ang sagupaan nitong Martes ng hapon sa Barangay Pugad Manaul sa Panamao.
Sinabi ni Galvez na dalawang sundalo ang bahagyang nasugatan sa nasabing bakbakan.
Batay sa report na tinanggap ni Galvez mula sa Army Scout Rangers, nakasagupa ng mga sundalo ang hindi pa tukoy na bilang ng mga bandido na pinamumunuan umano ni Alhabsy Misaya, Abu Sayyaf sub-leader.
Kasabay nito, nanawagan sa mga sibilyan si Department of National Defense (DND) Secretary Delfin Lorenzana na huwag kanlungin ang mga terorista.
Ito ang ipinananawagan ni Lorenzana matapos ang “full swing” na military operation laban sa Abu Sayyaf at Maute terror group.
Kung nais makatulong sa pagbibigay-tuldok sa labanan, hinimok na lang ng kalihim ang mga kaanak ng mga terorista na isuko na lang ang mga ito sa pamahalaan. (Fer Taboy)